Lacson, pormal nang nagbitiw bilang pinuno ng Blue Ribbon Committee
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-07 09:39:24
OKTUBRE 7, 2025 — Pormal nang isinuko ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson ang pamumuno sa Senate Blue Ribbon Committee nitong Oktubre 6, kasunod ng mga batikos mula sa ilang kapwa senador kaugnay ng direksyon ng imbestigasyon sa mga iregularidad sa flood control projects.
Sa kanyang liham kay Senate President Vicente Sotto III, ipinaliwanag ni Lacson na ang kanyang pagbibitiw ay bunga ng umano’y pagdududa ng ilang mambabatas sa integridad ng kanyang pamumuno sa Committee on Accountability of Public Officers and Investigations.
“In the course of the current investigation, which has implicated some senators in the flood control mess, a number of our colleagues have expressed disappointment with the ‘direction’ of the Blue Ribbon Committee, which this representation chairs,” aniya.
(Sa kasalukuyang imbestigasyon na tumutukoy sa ilang senador bilang kaugnay sa flood control mess, ilang kasamahan natin ang nagpahayag ng pagkadismaya sa takbo ng Blue Ribbon Committee na ako ang namumuno.)
Binatikos umano si Lacson sa pagtuon sa ilang kasamahan sa Senado habang sinasabing pinoprotektahan ang mga miyembro ng Kamara na sangkot sa mga substandard at ghost projects.
“Some senators publicly and secretly pursue the narrative that I am zeroing in on several of my colleagues while purportedly protecting those members of the Lower House perceived to be the principal actors in the budget anomalies related to the substandard and ghost flood control projects,” paliwanag niya.
(May ilang senador na lantaran at palihim na ikinakalat ang kwento na ako’y nakatutok sa ilang kasamahan habang pinoprotektahan ang mga miyembro ng Kamara na itinuturong sangkot sa mga anomalya sa budget kaugnay ng mga palpak at pekeng flood control projects.)
Mariin niyang itinanggi ang mga paratang.
“This narrative is categorically false. These misrepresentations are being floated mostly by critics opposed to our efforts to get to the bottom of the flood control anomalies,” giit ni Lacson.
(Walang katotohanan ang kwentong ito. Ang mga maling pahayag ay galing sa mga kritiko na tutol sa pagsisikap naming tuklasin ang puno’t dulo ng mga anomalya sa flood control.)
Binigyang-diin din niya na wala siyang layuning mag-ipon ng pampulitikang kapital.
“Truth is, I do not need to amass political capital much less at the expense of anybody because I entertain no further political plans after my term ends in 2031,” aniya.
(Ang totoo, hindi ko kailangang mag-ipon ng pampulitikang kapital, lalo na kung kapalit ay ibang tao, dahil wala na akong balak tumakbo sa pulitika pagkatapos ng aking termino sa 2031.)
“Having said all that, I hereby tender my resignation as the chairman of the Committee on Accountability of Public Officers and Investigations otherwise known as the Blue Ribbon Committee,” pahayag ni Lacson.
(Matapos ang lahat ng aking nabanggit, ako ay pormal nang nagbibitiw bilang tagapangulo ng Committee on Accountability of Public Officers and Investigations na mas kilala bilang Blue Ribbon Committee.)
(Larawan: Ping Lacson / Facebook)