Diskurso PH
Translate the website into your language:

Erwin Tulfo, pansamantalang uupo bilang pinuno ng Blue Ribbon Committee

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-08 16:13:55 Erwin Tulfo, pansamantalang uupo bilang pinuno ng Blue Ribbon Committee

OKTUBRE 8, 2025 — Pansamantalang hahawak sa liderato ng Senate Blue Ribbon Committee si Senador Erwin Tulfo matapos magbitiw si Senador Panfilo Lacson bilang chairman ng naturang komite.

Kinumpirma ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang pagtalaga kay Tulfo bilang acting chairman matapos ang caucus ng mayorya nitong Oktubre 8. Ayon kay Sotto, hindi na kailangang idaan sa plenaryo ang desisyon dahil si Tulfo ang kasalukuyang vice chairman ng komite.

“None of the five wants it now. As of now, acting chairman si Sen. Erwin Tulfo. When he comes back, we are going to conduct a Blue Ribbon meeting,” pahayag ni Sotto sa ambush interview. 

(Wala sa lima ang gustong tumanggap ngayon. Sa ngayon, si Sen. Erwin Tulfo ang pansamantalang chairman. Pagbalik niya, magkakaroon kami ng Blue Ribbon meeting.)

Tumanggi ang limang senador na sina JV Ejercito, Raffy Tulfo, Pia Cayetano, Kiko Pangilinan, at Risa Hontiveros na pamunuan ang komite, ayon kay Sotto. Aniya, abala ang mga ito sa kani-kanilang mga komite at wala raw sapat na oras para sa dagdag na responsibilidad.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Sotto na si Senador Erwin ay isa ring “good choice” para pamunuan ang Senate Blue Ribbon Committee. 

“He has expertise and experience in investigative journalism (May kaalaman at karanasan siya sa investigative journalism). Matapang pa,” dagdag ni Sotto. 

Nagbitiw si Lacson bilang chairman noong Oktubre 7. Sa kanyang liham ng pagbibitiw, binanggit niya ang umano’y pagkadismaya ng ilang kasamahan sa takbo ng mga pagdinig kaugnay ng mga iregularidad sa flood control projects. 

Nilinaw ni Lacson na walang katotohanan ang mga akusasyong pinoprotektahan niya ang ilang kongresista habang tinututukan ang mga kapwa senador.

Samantala, nananatiling bukas ang posibilidad na si Tulfo ang tuluyang hirangin bilang chairman, depende sa magiging desisyon ng mayorya. Ayon kay Sotto, may mga senador pa ring nais si Lacson ang mamuno sa komite, ngunit tumanggi rin ito.

Bagama’t naka-break ang Senado, tuloy pa rin ang mga pagdinig sa iba’t ibang komite, lalo na sa panukalang pambansang budget. Sa ngayon, si Tulfo ang mamumuno sa Blue Ribbon Committee habang hinihintay ang pinal na desisyon ng mayorya.

(Larawan: Senate of the Philippines| Facebook)