Diskurso PH
Translate the website into your language:

12 miyembro ng pamilya sa Cebu, tinangkang magpakamatay matapos ang lindol

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-10-10 21:43:00 12 miyembro ng pamilya sa Cebu, tinangkang magpakamatay matapos ang lindol

Cebu — Isang pamilya na binubuo ng 12 katao sa Gibitngil Island, Medellin, Cebu ang kasalukuyang nasa ilalim ng matinding trauma matapos maranasan ang malakas na 6.9-magnitude na lindol noong Setyembre 30, 2025. Ayon sa mga ulat mula sa lokal na pamahalaan, ilan sa mga miyembro ng pamilya ay nagtangkang magpakamatay dahil sa sobrang takot at pagkalito matapos ang nasabing pagyanig.


Kabilang sa mga miyembro ng pamilya ang isang buntis at isang walong taong gulang na bata, na kapwa nakitaan ng labis na pagkabalisa. Mula pa noong Oktubre 1, ay tumigil na silang kumain at maging ang mga ipinamigay na food packs mula sa lokal na pamahalaan at mga volunteer ay kanilang itinapon sa dagat, dahil sa paniwalang maaaring may masamang mangyari sa kanila kapag kumain sila.


Lumabas sa imbestigasyon na ang padre de pamilya ay nagtangkang saktan ang sarili at nagtamo ng sugat sa leeg, bago ito nasagip ng mga tauhan ng Medellin Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO). Agad siyang dinala sa pinakamalapit na pagamutan kung saan siya ginamot at binigyan ng pangunang lunas.


Ayon sa mga opisyal, ang buong pamilya ay nasa estado ng matinding pagkagimbal at takot, at ilan ay halos hindi na makausap nang maayos. Ilan pa sa kanila ang nagsabing ayaw nang mabuhay matapos ang naranasang lindol, dahilan upang ituring silang nasa kritikal na panganib ng suicide.


Bunsod nito, agad na rumesponde ang Rural Health Unit (RHU) ng Medellin kasama ang mga kawani ng Municipal Social Welfare and Services Office (MSWSO), isang medical team mula sa Maynila, at iba pang mga opisyal ng lokal na pamahalaan upang magsagawa ng Psychological First Aid (PFA). Sa tulong ng mga doktor at social workers, agad na sinuri ang kalagayan ng bawat miyembro ng pamilya at binigyan ng gamot at counseling ang mga nagpapakita ng senyales ng depresyon at matinding takot.


Ayon sa mga awtoridad, wala umanong kasaysayan ng mental illness ang naturang pamilya bago ang insidente. Pinaniniwalaan na ang naranasang lindol at mga aftershocks ang nagdulot ng labis na takot at pagkasindak sa kanila, na humantong sa hindi nila pagkilala sa realidad at kawalan ng pagnanais na mabuhay.


Patuloy namang mino-monitor ng lokal na pamahalaan ng Medellin ang kalagayan ng pamilya, habang inihahanda ang mas malalim na psychological intervention at therapy sessions upang matulungan silang makabangon sa trauma. Nagpahayag din ng kahandaan ang Department of Health (DOH) at iba pang ahensya na magpadala ng karagdagang mga eksperto sa mental health upang masuri at masuportahan ang pamilya.


Pinaalalahanan naman ng mga eksperto ang publiko na ang trauma, stress, at depresyon ay natural na mga reaksiyon matapos ang isang mapanganib at nakakatakot na pangyayari gaya ng lindol. Hinihikayat din ang mga nakararanas ng matinding takot o pagkalungkot na humingi agad ng tulong mula sa mga propesyonal o sa mga hotline ng gobyerno upang maiwasan ang mas malalang sitwasyon.