Tayabas bypass road sa Quezon, ipapasara ng may-ari ng lupa dahil sa hindi pa bayad ng DPWH
Ana Linda C. Rosas Ipinost noong 2025-10-10 20:37:57
Tayabas City, Quezon — Nakatakdang ipasara sa darating na Nobyembre 5 ang bahagi ng Tayabas Bypass Road sa Barangay Ipilan, Tayabas City, matapos ipahayag ng may-ari ng lupa na kanila nang haharangan ang daan dahil sa umano’y hindi pa pagbabayad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa lupang dinaanan ng proyekto.
Makikita sa magkabilang panig ng highway ang mga karatulang nag-aabiso sa publiko tungkol sa nakaambang pagpapasara. Kapansin-pansin ang mga ito — sa mga biyahero mula Lucena City, nasa bandang kaliwa ang karatula, samantalang mula naman sa Lucban, matatagpuan ito sa kanang bahagi ng kalsada.
Ayon sa nakasulat sa mga karatula, “Ipapasara ang by-pass road sa Tayabas, Quezon (Brgy. Ipilan) sa pagpasya ng tunay na may-ari ng lupa, dahil sa usaping hindi pa nababayaran ng DPWH.”
Ipinahayag ng may-ari ng lupa na matagal na nilang hinihintay ang kabayaran mula sa ahensya, ngunit hanggang ngayon ay nananatiling nakabinbin ang usapin. Bilang tugon, plano umano nilang tambakan ng lupa ang bahagi ng kalsada upang hindi na ito madaanan ng mga motorista.
Iginiit pa ng may-ari na sila ang may “absolute right” sa lupang kinatatayuan ng naturang bahagi ng bypass road hangga’t hindi ito pormal na nababayaran at naililipat sa pamahalaan.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang DPWH hinggil sa isyung ito. Nag-aalala naman ang ilang motorista at residente na araw-araw na dumadaan sa nasabing ruta, dahil posibleng magdulot ito ng mabigat na daloy ng trapiko at abala sa mga biyahero kung matuloy ang pagpapasara.
larawan/google.facebook