Baril ng guwardiya aksidenteng pumutok malapit sa Sunken Garden sa UP Diliman, iniimbestigahan ng mga awtoridad
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-10 22:16:47
Quezon City — Nagdulot ng kaba sa ilang estudyante at empleyado ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman ang isang insidente ng aksidenteng pagpapaputok ng baril malapit sa Sunken Garden nitong Biyernes ng umaga.
Batay sa inisyal na ulat ng Public Safety and Security Office (PSSO), ang insidente ay kinasangkutan ng isang security guard na naka-duty malapit sa College of Law. Ayon sa imbestigasyon, aksidenteng pumutok ang baril ng guwardiya matapos umanong magkaroon ng depekto sa safety pin ng kanyang armas. Ang naturang problema ay dulot umano ng wear and tear, o pagkasira ng piyesa dahil sa matagal na paggamit.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng UP Diliman Police matapos marinig ang putok upang tiyakin ang seguridad sa lugar. Wala namang naiulat na nasugatan o nadamay sa naturang pangyayari.
Paliwanag ng PSSO, agad nilang sinuri ang sitwasyon at tiniyak na wala nang banta sa kaligtasan ng mga tao sa paligid ng Sunken Garden at College of Law. Inalis din pansamantala sa serbisyo ang nasabing guwardiya habang isinasagawa ang imbestigasyon sa insidente.
Tiniyak naman ng administrasyon ng UP Diliman na patuloy nilang palalakasin ang seguridad sa loob ng campus at rerepasuhin ang mga patakaran sa paggamit at pag-iinspeksyon ng mga armas upang maiwasan ang ganitong mga pangyayari sa hinaharap.
Samantala, nagpaalala rin ang unibersidad sa mga estudyante at empleyado na manatiling mahinahon at agad ipagbigay-alam sa mga kinauukulan kung may mga insidenteng posibleng magdulot ng panganib sa loob ng campus.