ICI, kinakalampag sina Romualdez, Pangandaman, Co
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-08 17:20:55
OKTUBRE 8, 2025 — Ipapatawag ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sina House Speaker Martin Romualdez, Budget Secretary Amenah Pangandaman, at dating Ako Bicol Representative Zaldy Co upang humarap sa imbestigasyon kaugnay ng mga iregularidad sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Si Romualdez ay inaasahang magbigay-linaw sa kanyang kaalaman at karanasan bilang Speaker ng Kamara kaugnay ng mga National Budget insertions at mga proyekto ng DPWH para sa flood control.)
Si Pangandaman naman ay pinapaliwanag sa mga line projects na konektado sa mga ghost project, substandard, o hindi natapos na flood control projects. Hihingan din siya ng paliwanag sa proseso ng paglalabas ng mga hindi naka-programang pondo.
Samantala, pinadalhan ng subpoena si Co upang pilitin ang kanyang pagdalo. Ayon sa ICI, kailangan niyang magpatotoo sa ilalim ng panunumpa kaugnay ng kanyang personal na kaalaman mula nang maging bahagi siya ng Committee on Appropriations at sa kanyang partisipasyon sa mga flood control project ng DPWH.
Inaatasan si Co na magsumite ng mga dokumento gaya ng kontrata, feasibility studies, accounting records, business registration papers, financial statements, tax returns, at lisensya mula sa Philippine Contractors Accreditation Board — lahat kaugnay ng mga proyekto kung saan may interes siya o ang kanyang pamilya.
Hindi pa natutunton si Co, kaya’t humiling na ang Department of Justice (DOJ) sa Interpol ng Blue Notice upang mahanap siya. Ayon kay dating DPWH Bulacan district engineer Henry Alcantara, naghatid siya ng kickback kay Co sa bahay nito sa Pasig at sa parking lot ng isang hotel sa Taguig.
Isa pang testigo, si Orly Guteza, dating security consultant ni Co, ay nagsabing nag-abot siya ng mga bag na may laman umanong pera sa bahay ng dating mambabatas.
Si Co ang co-founder ng Sunwest Construction, ika-walo sa pinakamalalaking nakatanggap ng flood control contracts sa ilalim ng administrasyong Marcos. Mula 2016 hanggang 2024, nakakuha ang Sunwest ng mahigit P38 bilyon sa proyekto ng gobyerno — P28 bilyon para sa kalsada at tulay, P7 bilyon para sa flood control.
Bagama’t nag-divest si Co mula sa Sunwest noong 2019, nananatiling aktibo ang kanyang pamilya at mga kaibigan sa mga negosyo na konektado sa kumpanya.
Nauna nang naglabas ng Immigration Lookout Bulletin Order ang DOJ laban sa ilang opisyal ng DPWH at mga kontratistang sangkot sa flood control.
(Larawan: @zaldyco_ | Instagram)