Diskurso PH
Translate the website into your language:

Magnitude 5.0 na lindol yumanig sa Zambales — PHIVOLCS

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-11 18:47:29 Magnitude 5.0 na lindol yumanig sa Zambales — PHIVOLCS

ZAMBALES — Isang magnitude 5.0 na lindol ang yumanig sa Cabangan, Zambales nitong Sabado ng hapon, Oktubre 11, bandang 5:32 PM, ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Ang lindol ay tectonic in origin at may lalim na 100 kilometro, na nangangahulugang malalim ang pinagmulan nito sa ilalim ng lupa. Naitala ang epicenter 19 kilometro silangan ng Cabangan, Zambales.

Nararamdaman ang pagyanig sa iba't ibang bahagi ng Luzon:

  • Intensity III: Cabangan at Iba, Zambales
  • Intensity II: Calumpit (Bulacan), San Fernando (La Union), Guimba (Nueva Ecija), Bani at Dagupan City (Pangasinan), Santa Ignacia at Tarlac City (Tarlac), Botolan, Subic, at San Marcelino (Zambales).

Bagama’t walang naiulat na pinsala, nagbabala ang PHIVOLCS na maaaring magkaroon ng mga aftershocks sa mga susunod na oras o araw.

Ang Pilipinas ay bahagi ng Pacific Ring of Fire, kaya’t madalas itong makaranas ng mga lindol. Pinayuhan ang publiko na manatiling alerto at sundin ang mga safety protocols sa tuwing may pagyanig.