PCO training building sa Bukidnon, pinapasilip ni Gatchalian
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-11 18:47:33
MANILA — Binatikos ni Senador Sherwin Gatchalian ang Presidential Communications Office (PCO) kaugnay ng pagpapatayo ng isang training building sa Bukidnon na aniya’y labas sa pangunahing mandato ng ahensya.
Ang proyekto ay bahagi ng Government Communication Academy (Phase II) na may halagang ₱45.7 milyon, ayon sa ulat ng Commission on Audit (COA) 2024 report.
“Bakit may communications office ang PCO sa Bukidnon?” tanong ni Gatchalian sa pagdinig ng Senado. Ibinunyag din niya na sa COA reports mula 2020 hanggang 2023, may kaparehong proyekto ngunit may ibang halaga na ₱79 milyon, na nagdulot ng pagdududa sa transparency at budget consistency ng proyekto.
Ayon sa senador, ₱124 milyon na ang nagastos para sa pasilidad at 90% na ang natatapos, ngunit walang budget allocation para sa 2026, dahil nakalaan na ang pondo para sa natitirang 10% ng konstruksyon.
Sa panig ng PCO, sinabi ni Secretary Dave Gomez na sumasang-ayon siya sa obserbasyon ng senador. “I completely agree with Sen. Gatchalian. The project falls outside our core mandate,” ani Gomez, sabay pahayag na hindi siya sangkot sa pag-apruba ng proyekto dahil ito ay isinagawa pa noong 2019 sa ilalim ng nakaraang administrasyon.
Ang proyekto ay isinagawa sa pamamagitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na siyang contractor ng pasilidad. Sa kabila ng kontrobersya, sinabi ng PCO na itutuloy ang natitirang bahagi ng konstruksyon upang hindi masayang ang naunang pondo, ngunit walang planong dagdagan pa ito sa susunod na taon.
Nanawagan si Gatchalian ng masusing pagsusuri sa mga infrastructure projects ng mga ahensyang hindi pangunahing gumagawa ng imprastruktura, upang maiwasan ang pag-aaksaya ng pondo at pagkakaroon ng overlapping mandates.