Mon Tulfo, pinanindigang nagwala si Sen. Mark Villar nang humarap sa ICI
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-11 08:23:38
MANILA — Nanindigan si kolumnistang Mon Tulfo sa kanyang Facebook post na nagwala umano si Senador Mark Villar sa pagdinig ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) kaugnay ng mga anomalya sa mga flood control projects noong siya ay kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Ininsista ng aking source na taga loob na nagwala si Sen. Mark Villar sa hearing ng Independent Commission on Infrastructure,” ani Tulfo. “Sabi ng aking espiya, tumagal lang ng 25 minutes ang interview sa dating DPWH secretary. Kung di siya nagwala, bakit napakaikli naman ng interview sa kanya samantalang marami sanang itatanong ang mga miyembro ng ICI?” dagdag pa niya.
Ayon pa sa post, “Would 25 minutes have been enough in a question-and-answer session between the good senator and the honorable members of the ICI? Why was Villar escorted out of the session by security personnel?”
Nauna na itong itinanggi ng ICI, sa pangunguna ni Executive Director Atty. Brian Keith Hosaka, na nagsabing “This is not true. The proceedings were orderly, similar to the other hearings conducted by the ICI.”
Dagdag pa niya, “The senator just explained the processes he applied or used during the time that he was DPWH secretary with regard to how he managed the department.”
Ang pagdinig ay isinagawa upang talakayin ang planning, budgeting, execution, supervision, at monitoring ng mga flood control projects mula 2016 hanggang 2021, panahon ng panunungkulan ni Villar sa DPWH. Ayon sa ICI, maayos ang takbo ng sesyon, at walang insidente ng pagwawala o pag-eskorta palabas ng security personnel.
Samantala, nananatiling sarado sa publiko ang mga pagdinig ng ICI, sa kabila ng panawagan ng ilang mambabatas at grupo para sa transparency. Paliwanag ni Hosaka, “The commission prefers to keep its proceedings private to prevent trial by publicity and avoid undue political influence.”
Wala pang opisyal na pahayag mula sa kampo ni Senador Villar kaugnay ng alegasyon ni Tulfo.
Larawan mula kay Mon Tulfo
