Trillanes, magsasampa ng plunder case vs Bong Go kaugnay ng P7B kontrata
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-17 16:37:44
OKTUBRE 17, 2025 — Isasampa ni dating Senador Antonio Trillanes IV ang kasong plunder laban kay Senador Bong Go kaugnay ng P7 bilyong halaga ng mga kontrata sa imprastruktura na napunta umano sa kumpanya ng ama at kapatid ni Go noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Trillanes, malinaw ang paglabag sa batas.
“Ito, diretso eh. Kamag-anak, tatay niya tsaka kapatid niya. First degree of consanguinity, ‘yan ang maliwanag na definition sa plunder law,” aniya sa panayam sa Bilyonaryo News Channel.
Giit pa niya, mismong kontrata ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang magpapatunay sa ugnayan ng CLTG Builders at iba pang firm ng pamilya Discaya sa mga proyekto sa Davao — kabilang ang mga kalsada, flood control, at farm-to-market roads — na sinimulan noong 2016.
“Sa tingin niyo makukuha nila ‘yung P7 billion kung wala ‘yung impuwensiya nila [Duterte at Go]? Magkadugtong ang bituka nila,” ani Trillanes sa DZMM.
Dagdag pa ni Trillanes, matagal na niyang binuo ang kaso bago pa man sumabog ang mga alegasyon sa DPWH. Bukod kay Go, balak din niyang kasuhan si Vice President Sara Duterte kaugnay ng paggamit ng confidential funds.
Samantala, nanindigan si Go na wala siyang kinalaman sa mga kontrata.
“I assure the public that I have nothing to do with these transactions and I remain firm in my commitment to transparent public service,” giit niya.
(Tinitiyak ko sa publiko na wala akong kinalaman sa mga transaksyong ito at nananatili akong tapat sa bukas na serbisyo publiko.)
Sinimulan na rin ng DPWH ang imbestigasyon sa mga kontrata, habang binigyang-diin ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang pangangailangang tutukan ang mga kasong may mataas na sensitibidad.
(Larawan: Philippine News Agency)