Diskurso PH
Translate the website into your language:

Paglilinaw ng Palasyo, walang price freeze — 'strict monitoring' lang

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-29 06:30:16 Paglilinaw ng Palasyo, walang price freeze — 'strict monitoring' lang

OKTUBRE 29, 2025 — Hindi magpapatupad ng price freeze ang gobyerno ngayong kapaskuhan — bagkus, mas paiigtingin lang ang pagbabantay sa presyo ng pangunahing bilihin.

Nilinaw ng Malacañang nitong Martes na ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay hindi para kontrolin ang presyo, kundi para tiyaking walang paggalaw sa halaga ng mga pangunahing produkto habang papalapit ang holiday season.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, inatasan ng Pangulo ang Department of Trade and Industry (DTI) na makipag-ugnayan sa mga manufacturer at retailer upang mapanatili ang presyo ng mga pangunahing bilihin hanggang matapos ang taon.

“The President instructed the DTI to continue monitoring prices and coordinate with manufacturers and stakeholders not to make any price increase for prime and basic commodities especially during Holiday Season up to the end of the year,” ani Castro sa mensaheng ipinadala sa mga mamamahayag. 

(Inatasan ng Pangulo ang DTI na ipagpatuloy ang pagbabantay sa presyo at makipag-ugnayan sa mga manufacturer at stakeholder upang walang maganap na pagtaas ng presyo sa mga pangunahing produkto lalo na ngayong holiday season hanggang sa katapusan ng taon.)

Giit ni Castro, hindi ito price freeze kundi mahigpit na pagsubaybay sa pagpapatupad ng suggested retail price (SRP), lalo na sa imported rice at mga pangunahing pagkain.

Kinumpirma rin ni DTI Secretary Maria Christina Aldeguer Roque na nakikiisa ang mga sektor sa layunin ng gobyerno.

“All sectors are working together with the government to make sure that Filipinos can enjoy affordable goods this holiday season,” dagdag ni Castro. 

(Nagkakaisa ang lahat ng sektor kasama ang gobyerno upang matiyak na makakabili ng abot-kayang produkto ang mga Pilipino ngayong kapaskuhan.)

Sa pahayag bago tumulak patungong Malaysia, tiniyak ni Marcos ang mas matatag na aksyon ng pamahalaan para mapanatiling abot-kaya ang presyo ng pagkain.

“We hear our people’s call for government interventions to lower the price of goods, especially food,” ani Marcos. 

(Naririnig namin ang panawagan ng taumbayan para sa aksyon ng gobyerno upang mapababa ang presyo ng mga bilihin, lalo na ang pagkain.)

Patuloy rin ang P20 kada kilong bigas program ng administrasyon.

(Larawan: Philippine News Agency)