Diskurso PH
Translate the website into your language:

CitizenGO, nananawagan kay Speaker Dy na pigilan ang pag-calendar ng SOGIESC Bill

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-29 15:55:23 CitizenGO, nananawagan kay Speaker Dy na pigilan ang pag-calendar ng SOGIESC Bill

OKTUBRE 29, 2025 — Nanawagan ang CitizenGO Philippines kay House Speaker Bojie Dy na protektahan ang pamilyang Pilipino at ang pananampalataya sa pamamagitan ng pagtutol sa pag-calendar ng SOGIESC “Equality” Bill sa plenaryo ng Kamara. 

Ayon sa grupo, kapag ito ay na-calendar, mabilis na uusad ang panukalang batas na maaaring magpahina sa mga batayang kalayaan ng mga Pilipino.

Sa magagandang salita na umono’y “anti-discrimination,” sinabi ng CitizenGO na nakatago ang mga probisyon ng SOGIESC Bill na maaaring tumapak sa Freedom of Speech at Religion at pahinain ang karapatan ng mga magulang.

“Habang papalapit ang eleksyon at maingay ang pulitika, tahimik pero agresibong itinutulak ang SOGIESC Bill sa Kamara,” ayon sa pahayag ng CitizenGO. “Kapag na-calendar na ito sa plenaryo, mabilis na itong uusad — at mahihirapan na tayong pigilan ito.”

Nanawagan ang CitizenGO kay Dy na gamitin ang kanyang posisyon upang protektahan ang 1987 Constitution at panatilihing ligtas ang pamilya, pananampalataya, at kalayaan ng mamamayan.

“Mr. Speaker, huwag i-calendar ang SOGIESC Bill para sa plenary debate at botohan. Panatilihing protektado ang ating 1987 Constitution: kalayaan sa pananalita at pananampalataya, karapatan ng mga magulang, at dangal ng pamilyang Pilipino,” ayon sa grupo.

Ayon sa CitizenGO, delikado ang SOGIESC Bill dahil maaaring gawing “offense” ang mga Kristiyano o Katolikong paniniwala tungkol sa kasarian at kasal — kahit sa loob ng simbahan, sa classroom, o online. 

Puwede ring maapektuhan ang karapatan ng mga magulang sa pagpapalaki ng kanilang mga anak at madala ang mga negosyo at paaralan sa parusa kapag tumindig sila ayon sa kanilang konsensya.

Dagdag pa ng grupo, tinatapakan ng panukalang batas ang kultura at tradisyon, pati na ang paninindigan ng mga kababaihan, Katutubo, at Muslim na may malinaw na paniniwala tungkol sa kasarian at pamilya. Sa ilalim ng salitang “equality,” naniniwala ang CitizenGO na magiging daan ito sa same-sex marriage, na taliwas sa mga pinahahalagahan ng karamihan sa mga Pilipino.

“Hindi kailangan umabot sa botohan para pigilan ang batas na ito. Kayang harangin sa kalendaryo pa lang — at hawak ‘yan ng House Speaker,” sabi ng grupo.

Binigyang-diin din ng CitizenGO na ngayon ang pinakamahalagang panahon para kumilos dahil kapag nakapasok na sa plenaryo, tuluy-tuloy na ang pag-usad ng panukala. 

“Mas madali at mas epektibo ang laban kapag hindi pa naisasalang sa plenaryo,” ayon sa pahayag.

Kasalukuyang pinapatakbo ng CitizenGO ang isang online petition na nananawagan kay Speaker Dy na huwag payagang makarating sa plenaryo ang SOGIESC Bill. 

Ipapasa raw nila ang lahat ng pirma, kasama ang libo-libong iba pa, diretso sa Office of the Speaker.

Makikita ang petisyon dito: https://citizengo.org/tl/fm/16759 

(Larawan: IBC/Congress)