1 sa 5 kabataan nakaisip magpakamatay ayon sa bagong pag-aaral
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-29 09:21:42
MANILA — Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga tawag sa National Center for Mental Health (NCMH) Crisis Hotline ngayong taon, kung saan karamihan sa mga tumatawag ay nakararanas ng depresyon.
Ayon sa NCMH, ang depresyon ay nananatiling pangunahing dahilan ng mga tawag sa kanilang 24/7 hotline. Kabilang sa mga sintomas na binabanggit ng mga tumatawag ay matinding lungkot, kawalan ng gana sa buhay, at pag-iisip ng pagpapatiwakal.
“Depression can stem from several interconnected factors,” paliwanag ng NCMH, kabilang ang biological (hal. family history ng mental illness), psychological (hal. traumatic childhood experiences), at social (hal. isolation, financial stress, at bullying).
Batay sa datos mula sa Young Adult Fertility and Sexuality Study (YAFS) ng 2021, isa sa bawat limang Pilipino na may edad 15 hanggang 24 ay nakaisip nang wakasan ang sariling buhay kahit isang beses.
Ipinakita rin ng pag-aaral ang pagtaas ng bilang ng kabataang may sintomas ng depresyon mula 2013 hanggang 2021 — isang trend na patuloy na lumalala ayon sa mga mental health professionals.
Sa panig ng Department of Health (DOH), patuloy ang panawagan sa publiko na huwag mag-atubiling tumawag sa crisis hotlines kung nakararanas ng matinding emosyonal na problema.
“To prevent self-harm, the Department of Health encourages individuals experiencing depression or other mental health concerns to reach out to its crisis hotlines for guidance and support,” ayon sa DOH Western Visayas.
Simula nang ilunsad ang NCMH Crisis Hotline noong 2019, nakatanggap na ito ng mahigit 83,000 tawag, kung saan halos 26,000 ay may kaugnayan sa suicide ideation. Sa kabila ng pagtaas ng bilang ng mga tumatawag, positibong senyales ito ng mas bukas na diskusyon tungkol sa mental health sa bansa.
Nagpapatuloy ang mga hakbang ng gobyerno at mga pribadong institusyon upang palakasin ang mental health services, kabilang ang pagpapalawak ng access sa counseling, psychiatric treatment, at public education campaigns.
