AI, drone tech isasabak sa mga proyekto ng gobyerno para labanan ang korapsyon
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-29 15:53:34
OKTUBRE 29, 2025 — Pinaiigting ng pamahalaan ang paggamit ng makabagong teknolohiya para bantayan ang mga proyektong pang-imprastraktura at pigilan ang paglaganap ng korapsyon, ayon sa Department of Science and Technology (DOST).
Sa deliberasyon ng Senado para sa 2026 budget ng Office of the Ombudsman, inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang plano nilang gumamit ng artificial intelligence (AI) upang mapabilis ang pagproseso ng mga dokumento kaugnay ng mga kaso ng katiwalian.
“In light of the digitization stage that we want to undergo, probably we will also seek to ask experts in artificial intelligence to help us process information faster. Because of the volume of the documents that we have and the volume of transactions, we may have to go AI, and we’re just having a consultant to give us advice very soon,” ani Remulla.
(Dahil sa digitalization na nais naming tahakin, malamang ay hihingi rin kami ng tulong sa mga eksperto sa artificial intelligence para mapabilis ang pagproseso ng impormasyon. Dahil sa dami ng dokumento at transaksyon, baka kailangan naming gumamit ng AI, at kukuha kami ng consultant para magbigay ng payo sa lalong madaling panahon.)
Samantala, isinusulong ng DOST ang paggamit ng digital twin technology para sa mas epektibong pagsusuri ng mga proyekto. Ayon kay DOST Secretary Renato Solidum Jr., ang teknolohiyang ito ay nagbibigay ng virtual na bersyon ng aktwal na imprastraktura gamit ang real-time data.
“We have presented this to [the Department of Budget and Management] because they have this digital innovation for monitoring and evaluation of infrastructure ... We told them that if we wanted to look at the infrastructure, we needed to make sure that this infrastructure as proposed needed to be effective and efficient,” pahayag ni Solidum.
(Ipinakita namin ito sa [Department of Budget and Management] dahil mayroon silang digital innovation para sa monitoring at evaluation ng imprastraktura ... Sinabi namin sa kanila na kung gusto nating suriin ang imprastraktura, kailangang tiyakin na ito ay epektibo at episyente.)
Dagdag pa ni Solidum, maaaring gamitin ang satellite, drone, at ulat mula sa mamamayan para masubaybayan ang proyekto habang ginagawa pa lamang ito. Mahalaga aniya na malinaw ang mga detalye ng proyekto sa isang transparent na dashboard.
(Larawan: DOST Philippines)
