GOODBYE POGO! Marcos nilagdaan Anti-POGO Act; lahat ng offshore gaming bawal na
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-29 11:05:29October 29, 2025 - Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act No. 12312 o ang Anti-POGO Act of 2025, na tuluyang nagbabawal sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.
Ang bagong batas ay epektibong nag-aalis ng legal na batayan ng offshore gaming sa Pilipinas, kasunod ng mga ulat ng krimen, human trafficking, at iba pang ilegal na aktibidad na konektado sa mga POGO hub.
Ayon sa batas, “It shall be prohibited for any person or entity to conduct or offer offshore gaming as defined under this law.” Kasama sa mga ipinagbabawal ang pagtatayo ng POGO operations, pagtanggap ng taya para sa offshore gaming, at paglikha ng pisikal na POGO hubs sa bansa.
Ang RA 12312 ay nilagdaan ni Marcos noong Oktubre 23, 2025, at opisyal na nagbabasura sa RA 11590—ang dating batas na nag-legalize at nagtakda ng buwis para sa mga POGO. Sa ilalim ng bagong batas, ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ay hindi na pinapayagang mag-isyu ng lisensya para sa offshore gaming.
“The State recognizes that the maintenance of peace and order, the protection of life, liberty, and property, and the promotion of the general welfare are paramount for the meaningful enjoyment of democratic rights,” ayon sa deklarasyon ng batas.
Bukod sa mga operator, ang mga indibidwal o entidad na tumutulong o nagtatangkang magpatuloy ng POGO operations ay maaari ring maparusahan. Ang mga lisensyang dating ibinigay sa mga POGO hub, kabilang ang mga nasa special economic zones, ay awtomatikong binawi.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng administrasyon laban sa organized crime. Matatandaang noong nakaraang taon, iniulat ang mga kaso ng torture, sex trafficking, at online scams sa ilang POGO compound sa Pampanga, Bataan, at Pasay City.
Ang RA 12312 ay inaasahang magbibigay daan sa mas mahigpit na regulasyon sa mga online gaming activities at magpapalakas sa proteksyon ng mamamayan laban sa mga krimeng konektado sa offshore gaming.
