Diskurso PH
Translate the website into your language:

Auction ng Discaya luxury cars, itinulak sa Nobyembre 20

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-13 14:11:56 Auction ng Discaya luxury cars, itinulak sa Nobyembre 20

NOBYEMBRE 13, 2025 — Inurong ng Bureau of Customs (BOC) sa Nobyembre 20 ang pampublikong subasta ng pitong mamahaling sasakyan na nakumpiska mula sa mag-asawang kontraktor na sina Curlee at Sarah Discaya.

Ayon sa anunsyo ng ahensya, gaganapin ang bidding sa ganap na alas-10 ng umaga sa Situation Room ng OCOM Building, South Harbor, Port Area, Maynila. Nauna itong nakatakda ng Nobyembre 17 ngunit ipinagpaliban dahil sa epekto ng Super Typhoon Uwan (Fung-wong).

Nagsimula na rin ang dalawang araw na public viewing ng mga sasakyan sa PUC Parking Area ng OCOM Grounds mula Nobyembre 12 hanggang 14.

Naglabas ang BOC ng pagbabago sa Notice of Public Auction na inilathala noong Nobyembre 3. Itinaas ang floor price mula ₱17,041,121.93 tungo sa ₱17,311,121.93, habang ang bond requirement ay mula ₱852,056.00 naging ₱865,556.00.

Kabilang sa mga sasakyang isasubasta ang Toyota Tundra (2022), Toyota Sequoia (2023), Rolls-Royce Cullinan (2023), Mercedes-Benz G63 AMG (2022), Mercedes-Benz G500 Brabus (2019), Lincoln Navigator L (2021), at Bentley Bentayga (2022). Pinakamahal ang Rolls-Royce Cullinan na may floor price na ₱45.314 milyon.

Sa kabuuan, 13 luxury cars ang hawak ng BOC mula sa Discaya family, at anim sa mga ito ay may import entries na may kuwestiyonableng certificates of payment.

Kinumpirma ni Chris Bendijo, deputy chief of staff ng BOC OCOM, na hindi na kukuwestiyunin ng mag-asawang Discaya ang subasta. 

“The Discayas had filed a voluntary forfeiture and would no longer contest the auction of the seven vehicles,” aniya. 

(Nag-file ng boluntaryong pagsuko ang mga Discaya at hindi na nila kukuwestiyunin ang subasta ng pitong sasakyan.)

Dagdag pa ng BOC, layunin ng subasta na mabawi ang kita na “rightfully belongs to the Filipino people” (karapat-dapat na mapunta sa sambayanang Pilipino).

Batay sa ulat, kabilang ang Discayas sa 15 kontraktor na nakakuha ng halos ₱100 bilyon o 20 porsiyento ng ₱545-bilyong pondo para sa flood control projects mula 2022.

Ang interesadong bidders ay inaanyayahang sumangguni sa opisyal na Notice of Auction para sa kumpletong detalye ng pagpaparehistro at patakaran.



(Larawan: Bureau of Customs)