PNP, LGUs todo bantay sa 3-araw na INC, UPI rallies; trapiko, seguridad naka-alerto
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-13 13:27:28
NOBYEMBRE 13, 2025 — Naghahanda ang Philippine National Police (PNP) at mga lokal na pamahalaan sa Maynila at Quezon City para sa tatlong araw na malakihang pagtitipon ng Iglesia Ni Cristo (INC) at United Peoples Initiative (UPI) mula Nobyembre 16 hanggang 18.
Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), 16,433 pulis ang itatalaga sa iba’t ibang lugar upang tiyakin ang kaayusan at kaligtasan ng publiko. Kabilang sa mga pangunahing sentro ng aktibidad ang Quirino Grandstand sa Rizal Park para sa INC rally at EDSA People Power Monument para sa UPI. Bukod dito, binabantayan din ang US Embassy, Mendiola, Liwasang Bonifacio, Senado, Kongreso, Malacañang, at iba pang tinaguriang “Freedom Parks” kung saan inaasahan ang mga biglaang pagtitipon.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni NCRPO spokesperson Maj. Hazel Asilo, “INC rally will be staged at Quirino Grandstand, and the UPI is set to convene at the EDSA People Power Monument. We are also monitoring other locations that may have lightning rallies, such as the US Embassy, Mendiola, and other usual rally spots,”
(Gaganapin ang INC rally sa Quirino Grandstand, at ang UPI ay sa EDSA People Power Monument. Binabantayan din namin ang iba pang lugar na maaaring pagdausan ng biglaang pagtitipon gaya ng US Embassy, Mendiola, at karaniwang rally spots.)
Dagdag pa ni Asilo, nakikipag-ugnayan ang pulisya sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa rerouting at parking areas ng mga sasakyan ng mga kalahok.
Samantala, iginiit ni Acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang respeto ng pulisya sa karapatan ng mga Pilipino na magpahayag ng pananampalataya.
“We respect the rights of every Filipino to freely practice their religion. Our task is to ensure that this rally, like any peaceful gathering, remains safe for both participants and the surrounding community,” aniya.
(Iginagalang namin ang karapatan ng bawat Pilipino na malayang maisagawa ang kanilang relihiyon. Ang aming tungkulin ay tiyakin na ang pagtitipong ito, tulad ng anumang mapayapang pagtitipon, ay ligtas para sa mga kalahok at sa komunidad.)
Bilang paghahanda, nagsagawa ng inter-agency meetings ang PNP kasama ang MMDA at iba pang ahensya upang masiguro ang maayos na deployment. Nagbigay din ng direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na balansehin ang karapatan ng mamamayan at ang pagpapanatili ng kaayusan.
Sa panig naman ng pamahalaang lungsod ng Maynila, sinuspinde ang face-to-face classes sa lahat ng antas mula Nobyembre 17 hanggang 18 upang maiwasan ang abala sa trapiko at bigyang-daan ang mga aktibidad. Inatasan ang mga paaralan na gumamit ng Alternative Delivery Mode (ADM) para magpatuloy ang klase kahit walang pisikal na pagtuturo.
Samantala, binigyang-diin ng political analyst na si Ronald Llamas ang pangangailangan ng publiko na suriin ang kredibilidad ng mga grupong nagsusulong ng rally.
“It’s simple, the endorsers and supporters of looters and EJK killers do not have the integrity to rally against corruption, even for a week,” giit niya.
(Simple lang, ang mga tagasuporta ng mga looters at EJK killers ay walang integridad para magprotesta laban sa korapsyon, kahit isang linggo.)
Hinikayat niya ang mas malalim na pagsusuri sa tunay na layunin ng mga pagtitipon, habang iginiit ng INC na ang kanilang aktibidad ay para sa transparency, accountability, at good governance.
(Larawan: Iglesia Ni Cristo Houses of Worship | Facebook)
