Diskurso PH
Translate the website into your language:

Marcos: Romualdez, ligtas pa ngayon sa kaso; 37 flood control suspects, aarestuhin bago mag-Pasko

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-13 16:01:41 Marcos: Romualdez, ligtas pa ngayon sa kaso; 37 flood control suspects, aarestuhin bago mag-Pasko

NOBYEMBRE 13, 2025 — Sa gitna ng lumalaking eskandalo sa flood control projects, tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi pa kasama si dating House Speaker Martin Romualdez sa listahan ng mga kakasuhan. Giit sa Pangulo, tanging sa Senado lumutang ang alegasyon laban sa pinsan niyang kongresista mula Leyte, ngunit binigyang-diin niya na maaaring magbago ang sitwasyon kung may bagong ebidensyang lalabas.

“With the Speaker, no. Not as of yet. If something else comes out, then he might have to be answerable for something,” pahayag ni Marcos sa press briefing sa Palasyo. 

(Sa Speaker, wala pa. Kung may lumabas na bago, baka kailangan niyang managot.)

Dagdag pa ng Pangulo, hindi siya nag-uutos ng kaso para lamang sa palabas. 

“So again, we don’t file cases for optics. We filed cases to put people in jail or to make people answer,” aniya. 

(Hindi kami nagsasampa ng kaso para sa porma. Nagsasampa kami para makulong ang tao o mapanagot sila.)

Habang nananatiling “ligtas” si Romualdez sa puntong ito, tiniyak ni Marcos na marami sa mga sangkot sa anomalya ay mahaharap sa kaso bago mag-Pasko. Nakaumang na umano ang reklamo laban sa 37 katao, kabilang ang ilang mambabatas, kontratista, at opisyal ng pamahalaan.

“Provide us the evidence and we will file cases against them … Bigyan ninyo kami ng lahat ng ebidensya na mayroon kayo para magamit namin,” panawagan ng Pangulo sa publiko.

Matatandaang lumutang ang pangalan ni Romualdez sa Senado matapos ang testimonya ni dating Marine Orly Guteza. Ayon kay Guteza, nagdala siya ng mga maleta na puno ng pera sa bahay ni Romualdez at ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, kung saan dati siyang nagsilbing security consultant.

Mariin namang itinanggi ng dalawang politiko ang akusasyon.



(Larawan: Philippine News Agency)