Pamaskong handog 2025 ng San Pedro City, sinimulan na ang pamamahagi ngayong araw
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-03 23:24:36
San Pedro City, Laguna — Mas maagang naramdaman ng mga residente ng Lungsod ng San Pedro ang diwa ng Pasko matapos ilunsad ng Pamahalaang Lungsod ang taunang Pamaskong Handog 2025, kung saan muling namahagi ng Christmas Boxes para sa libo-libong pamilyang San Pedrense.
Ang special Christmas box, na taunang inaabangan ng mga residente, ay naglalaman ng mga pangunahing panghanda sa noche buena, kabilang ang 1kg Spaghetti Party Pack, 3-in-1 Instant Coffee, Creamdensada, Nata de Coco, Fruit Cocktail, Cheese, All-Purpose Cream, Chicken Spam, at Bigas. Layunin nitong makatulong sa paghahanda ng bawat pamilya para sa isang mas masaya at masaganang pagdiriwang ng Pasko.
Ayon sa pamahalaang lungsod, ang distribusyon ng Pamaskong Handog ay nakabatay sa pinakahuling talaan ng 2024 Community-Based Monitoring System/Population Census (CBMS/PopCen) ng PSA, kung saan tinatayang 348,968 ang populasyon ng San Pedro. Nakabase rin sa tatlong miyembro kada household ang dami ng alokasyon na ipamamahagi sa bawat barangay.
Upang matiyak ang maayos at tumpak na distribusyon, ang bawat barangay ay inatasang mamahala sa Index Card Distribution, na magsisilbing opisyal na basehan ng aktwal na bilang ng households. Ang mga Daycare Worker naman ang magva-validate ng mga index cards sa mismong araw ng claim.
Mahigpit ding ipinatutupad ang patakaran na dapat mismong recipient ang kukuha ng Christmas Box. Kung hindi makadadalo ang Head of the Family, maaari lamang tumanggap ang sinumang nakasaad sa Family Composition ng Index Card.
Mananatili ang Pamaskong Handog sa bawat barangay sa loob ng tatlong araw, at ang mga hindi makakakuha sa itinakdang schedule ay kailangang dumiretso sa City Hall Warehouse, sa pangangasiwa ng CSWD. Mayroon lamang hanggang December 29, 2025 ang mga residente upang makuha ang kanilang Pamaskong Handog.
Hinihikayat ng pamahalaan ang mga residente na makipag-ugnayan sa kanilang pamahalaang barangay para sa karagdagang impormasyon at suriin ang opisyal na schedule ng distribusyon.
Sa paglulunsad ng programang ito, muling pinatunayan ng San Pedro City ang layunin nitong maihatid ang malasakit at serbisyong may puso, lalo na sa pinakamasayang panahon ng taon. (Larawan: City Government of San Pedro / Facebook)
