LTO sinuspinde ang lisensya ni Norman Mangusin aka Francis Leo Marcos ng 90 araw
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-04 17:11:27
MANILA — Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ng 90 araw ang lisensya ng kilalang vlogger at social media personality na si Norman Mangusin, mas kilala bilang Francis Leo Marcos (FLM), matapos lumabag sa ilang batas trapiko na nakunan pa sa isang viral na video.
Ayon sa LTO, makikita sa naturang video na minamaneho ni Mangusin ang kanyang sasakyan gamit ang umano’y pekeng plate number. Bukod dito, nakitang hindi siya nakasuot ng seatbelt at gumagamit ng cellphone habang nagmamaneho, na malinaw na paglabag sa mga umiiral na batas trapiko.
Naglabas ang LTO ng show cause order laban kay Mangusin at inatasan siyang dumalo sa pagdinig sa LTO Intelligence and Investigation Division sa East Avenue, Quezon City. Binibigyan siya ng tatlong araw upang magpaliwanag kung bakit hindi dapat tuluyang kanselahin ang kanyang lisensya.
Batay sa dokumento ng LTO, ang mga kasong kinakaharap ni Mangusin ay kinabibilangan ng:
- Failure to attach authorized motor vehicle license plate
- Mandatory use of seatbelt
- Distracted driving
- Reckless driving
- Improper person to operate a motor vehicle
Sa pahayag ni LTO Chief Assistant Secretary Marcos Lacanilao, binigyang-diin niya na hindi titigil ang ahensya sa pagpapatupad ng batas laban sa mga pasaway na driver. “Hindi titigil ang LTO sa pagsuspinde ng lisensya ng mga pasaway na driver,” ani Lacanilao.
Ang suspensyon kay Mangusin ay bahagi ng mas pinaigting na kampanya ng LTO laban sa mga lumalabag sa batas trapiko, lalo na yaong mga personalidad na may impluwensiya sa social media. Layon ng ahensya na ipakita na walang sinuman ang exempted sa batas at dapat magsilbing babala ang insidente sa lahat ng motorista.
