DOJ Usec. Cadiz, nagbitiw na sa puwesto sa gitna ng kontrobersiya sa flood control scam
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-05 23:02:51
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Malacañang ang pagbibitiw sa tungkulin ni Department of Justice (DOJ) Undersecretary Jose “Jojo” Cadiz, na nasasangkot ngayon sa kontrobersiyang may kaugnayan sa umano’y flood control scam.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, nakapagsumite na si Cadiz ng kaniyang resignation letter, bagama’t wala pang kumpirmasyon kung tinanggap na ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. “Sa ating pagkakaalam, siya po ay nag-submit na ng kanyang resignation,” pahayag ni Castro.
Si Cadiz ay binanggit sa mga alegasyon ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, na nagsasabing konektado umano ang opisyal sa isang malaking construction company na nakakuha ng ilang proyekto sa Ilocos Norte. Idinawit din siya bilang umano’y “bagman” ng Pangulo—isang paratang na agad namang nagdulot ng mas malalim na panaw sa imbestigasyon.
Nabatid ring si Cadiz ay dating aide ng Pangulo bago tumuntong sa DOJ, dahilan upang lalong uminit ang usapin hinggil sa integridad at transparency sa pamahalaan.
Matapos lumabas ang mga paratang, nag-file muna ng leave of absence si Cadiz noong nakaraang linggo bago tuluyang magbitiw. Nagdulot ito ng tanong sa publiko kung ang resignation ay isang hakbang upang harapin ang imbestigasyon, o kung ito ay senyales ng paglayo sa lumalaking kontrobersiya.
Samantala, wala pang inilalabas na pormal na pahayag ang DOJ at Palasyo kung magsasagawa ng mas malalim na imbestigasyon kaugnay ng flood control scam. Patuloy namang hinihintay ng publiko ang magiging tugon ni Pangulong Marcos Jr. sa pagbibitiw ng opisyal, lalo na’t may mga kumakalat na alegasyon sa loob ng ahensya.
Habang nagpapatuloy ang isyu, nananawagan ang ilang sektor na magkaroon ng malinaw, mabilis, at transparent na proseso upang matugunan ang lumalaking isyu ng katiwalian na muling gumugulantang sa pamahalaan. (Larawan: Facebook)
