Diskurso PH
Translate the website into your language:

Vlogger na si Norman Mangusin aka Francis Leo Marcos, tuluyan nang ni-revoke ang lisensya ng LTO

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-12-05 23:19:41 Vlogger na si Norman Mangusin aka Francis Leo Marcos, tuluyan nang ni-revoke ang lisensya ng LTO

MANILA, Philippines Tuluyan nang binawi ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng isang kilalang vlogger matapos kumalat sa social media ang video niya habang nagmamaneho ng Ford Expedition na may iligal na plaka at lumalabag sa iba’t ibang batas-trapiko. Ang insidente ay umani ng libo-libong reaksyon mula sa netizens na agad nag-ulat sa LTO dahil sa peligrosong pagmamaneho ng naturang content creator.

Sa viral na video, malinaw na makikita ang paggamit ng pekeng plaka sa sasakyan, hindi pagsusuot ng seatbelt, at pagtingin-tingin ng vlogger sa kamera ng kaniyang cellphone habang nasa biyahe. Itinuturing ito ng mga otoridad bilang malinaw na paglabag sa Anti-Distracted Driving Act at seryosong panganib hindi lamang sa sarili kundi pati na sa ibang motorista at pedestrian.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, hindi sumipot ang vlogger sa itinakdang hearing ng LTO-Intelligence and Investigation Division (IID) upang magsumite ng verified comment o paliwanag tungkol sa kaniyang mga paglabag. Dahil sa kawalan ng kooperasyon, awtomatiko nang ni-revoke ng LTO ang kaniyang driver’s license.

Bukod sa revocation ng lisensya, mananatili ring naka-alarma ang Ford Expedition na ginamit sa insidente hanggang hindi ito sumasailalim sa kumpletong roadworthiness inspection sa LTO Motor Vehicle Inspection Facility. Dagdag pa ng ahensya, maaaring maharap ang vlogger sa iba pang administratibo at legal na kaso kaugnay ng paggamit ng unauthorized plate at reckless driving.

Pinaalalahanan naman ng LTO ang publiko na mahigpit nilang ipatutupad ang batas laban sa mga mapanganib na motorista, lalo na iyong mga gumagamit ng social media upang ipagmalaki ang maling gawain sa kalsada. Anila, ang impluwensya ay may kaakibat na responsibilidad, at hindi dapat gawing content ang paglabag at paglalagay sa panganib ng kapwa. Nanawagan din ang ahensya sa mga motorista at content creators na maging huwaran sa pagsunod sa batas at pagpapahalaga sa kaligtasan sa kalsada. “Hindi dahil may camera ka, exempted ka sa batas,” paalala ni Asec. Lacanilao. (Larawan: Screengrab from FLM Comeback / Facebook)