Diskurso PH
Translate the website into your language:

Marcos, tiwala pa rin kay DOH chief Herbosa sa kabila ng umano'y malapit na ugnayan sa Zuellig Pharma

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-05 20:14:03 Marcos, tiwala pa rin kay DOH chief Herbosa sa kabila ng umano'y malapit na ugnayan sa Zuellig Pharma

DISYEMBRE 5, 2025 — Sa kabila ng mga reklamo laban kay Health Secretary Teodoro Herbosa, nananatili pa rin ang tiwala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanya, ayon sa Malacañang.

Sinabi ni Communications Undersecretary Claire Castro na hindi pa dapat pangunahan ang proseso habang nakabinbin ang pagsusuri ng Ombudsman sa mga alegasyon. 

“Ngayon po, maia-assume natin na he still enjoys the trust of the President,” ani Castro sa isang press briefing.

Ang mga reklamo ay isinampa ng ilang empleyado ng Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng isang 11-pahinang affidavit. Nakasaad dito ang umano’y pakikipag-ugnayan ni Herbosa sa Zuellig Pharma Corp., isang kompanyang nakakuha ng malalaking kontrata mula sa DOH. 

Binanggit din ng mga nagreklamo ang patuloy na pagdalo ni Herbosa sa mga aktibidad na pinondohan ng Zuellig, pati na rin sa mga trips na umano’y sagot ng kumpanya, kahit siya ang namumuno sa panel ng procurement ng ahensya.

Sa ngayon, nakatutok ang Palasyo sa magiging aksyon ng Ombudsman hinggil sa mga reklamo laban kay Herbosa, habang nananatili ang kumpiyansa ng Pangulo sa kanyang kalihim.



(Larawan: Philippine News Agency)