Mayor Leni Robredo, nagsusulong ng iisang patakaran para sa e-trike sa Naga City
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-05 22:45:24
NAGA CITY — Nananawagan si Naga City Mayor Leni Robredo para sa pagbuo ng isang malinaw at pinagsama-samang polisiya hinggil sa pag-operate at paggalaw ng mga e-trike sa lungsod, sa gitna ng mga isyung lumulutang kaugnay ng kanilang rehistrasyon at paggamit ng mga pangunahing kalsada.
Kabilang sa mga ipinatatawag niyang makilahok sa isang pagpupulong ang Public Safety Office ng LGU, Naga City Police Office, Land Transportation Office (LTO)–Naga, at ang tanggapan ni City Councilor Ramon Melvin Buenafe, na siyang namumuno sa Sangguniang Panlungsod Committee on Transport. Layunin ng pulong na makabuo ng iisang polisiya na susundin ng lungsod at mga ahensiyang nasyunal upang matiyak ang maayos na implementasyon ng batas na may kinalaman sa e-trikes.
Ito ay kasunod ng direktiba ng LTO na nagbabawal sa mga e-trike na bumiyahe sa mga highway at pangunahing kalsada—isang probisyon na inaasahang maisasama sa inihahandang ordinansa ni Konsehal Buenafe.
“We just do not want a messy implementation of any directive from the government regarding e-trike mobility. We also need to establish clear regulations,” ayon kay Robredo, na nanindigan na kinakailangan ang malinaw na pamantayan sa kung anong uri ng e-trike ang maaaring dumaan sa partikular na mga kalsada, pati na ang tamang enforcement nito.
Kabilang sa mga dapat pag-usapan ang pagkakaiba ng operasyon ng e-trike sa barangay roads at city roads, pagtatakda ng speed limit, at pagtukoy kung anong klase ng e-trike ang papayagan sa bawat ruta.
Sa kasalukuyan, mahigpit na ipinagbabawal ng LTO-Naga sa mga e-trike ang paggamit ng Maharlika Highway, at nagbabala na may kaukulang parusa ang sinumang lalabag.
Sa pagtutulungan ng LGU at mga ahensiya, umaasa ang lokal na pamahalaan na makakabuo ng sistematikong polisiya na magtataguyod ng kaligtasan, kaayusan, at tamang paggamit ng e-trike sa Naga City. (Larawan: Mayor Leni Robredo / Facebook)
