Diskurso PH
Translate the website into your language:

Bagyong Wilma bahagyang bumilis; landfall sa Eastern Visayas ngayong Sabado

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-12-06 10:23:27 Bagyong Wilma bahagyang bumilis; landfall sa Eastern Visayas ngayong Sabado

MANILA — Bahagyang bumilis ang galaw ng Tropical Depression “Wilma” at inaasahang magla-landfall sa Eastern Visayas ngayong Sabado, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa bulletin ng PAGASA alas-5 ng umaga, sinabi ng ahensya na ang sentro ng bagyo ay namataan sa layong 70 kilometro silangan ng Borongan City, Eastern Samar, taglay ang maximum sustained winds na 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugso hanggang 55 kph, habang kumikilos pakanluran sa bilis na 15 kph.

“On the forecast track, the center of WILMA may make its initial landfall over Eastern Visayas today. Afterwards, it will continue to traverse Visayas until tomorrow (07 December). It will then emerge over Sulu Sea and may pass over northern Palawan by Monday (08 December) morning,” ayon sa PAGASA.

Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa 27 lugar, kabilang ang Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, Cebu (kasama ang Bantayan at Camotes Islands), Bohol, Negros Oriental, Siquijor, Masbate (kasama ang Ticao at Burias Islands), Romblon, Sorsogon, at ilang bahagi ng Mindoro at Palawan.

Ayon sa PAGASA, ang mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 1 ay makakaranas ng malalakas na hangin na may bilis na 39 hanggang 61 kph sa loob ng 36 oras, na maaaring magdulot ng minimal hanggang minor na pinsala sa buhay at ari-arian. Dagdag pa ng ahensya, “Wilma will likely remain a tropical depression throughout its passage over the Visayas and Sulu Sea.”

Nagbabala rin ang PAGASA sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na madadaanan ng bagyo, lalo na sa Eastern Visayas at Bicol Region. Pinayuhan ang mga residente na maging handa at sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan.

Samantala, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nakahanda ang mga lokal na disaster units sa Eastern Visayas at iba pang rehiyon na posibleng maapektuhan. Naka-preposition na ang relief goods at nakahanda ang mga evacuation centers para sa mga maaapektuhang pamilya.

Sa kasalukuyan, inaasahang tatawid si “Wilma” sa kabuuan ng Visayas hanggang Linggo, bago lumabas sa Sulu Sea at dumaan sa hilagang Palawan sa Lunes ng umaga. Bagama’t nananatiling tropical depression, binigyang-diin ng PAGASA na hindi dapat ipagsawalang-bahala ang epekto nito, lalo na sa mga lugar na madalas tamaan ng pagbaha at landslide.

Larawan mula DOST-PAGASA