Makabayan bloc: 'Resignation strategy' ginagamit para ilihis ang isyu ng korapsyon
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-06 10:24:05
MANILA — Binatikos ng Makabayan bloc ang administrasyong Marcos Jr. dahil umano sa paggamit ng tinaguriang “resignation strategy” upang mailihis ang atensyon sa lumalaking kontrobersya ng katiwalian na kinasasangkutan ng ilang opisyal ng gobyerno.
Sa pahayag ng Makabayan bloc, sinabi nilang ang sunod-sunod na pagbibitiw ng mga opisyal ay tila “pagpapalusot” at nagiging “convenient escape hatch” para sa mga taong maaaring mag-ugnay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga anomalya. “Resignation now is becoming a convenient escape hatch for corrupt officials who could implicate Marcos in anomalous deals,” ayon sa grupo.
Ang pahayag ay kasunod ng pagbibitiw ni Justice Undersecretary Jojo Cadiz, na dati umanong Senate staff ni Marcos Jr. at itinuturing na malapit na kaalyado. Ayon sa Makabayan, si Cadiz ay inaakusahan na nagsilbing “bagman” para sa mga kickback at may ugnayan sa mga kontraktor na may negosyo sa hilagang bahagi ng bansa.
Dagdag pa ng grupo, hindi dapat tingnan ang mga resignation bilang solusyon sa problema ng katiwalian. “Hindi siya ordinaryong kawani—he is a former Senate staff member of President Marcos Jr., a trusted associate now accused of being the bagman for kickbacks,” giit ng Makabayan bloc.
Samantala, nananatiling sentro ng kontrobersya ang flood-control projects na umano’y pinagmulan ng malawakang anomalya. Batay sa ulat ng Philippine Star, bumagsak ang performance ratings ni Marcos Jr. sa pinakamababang antas mula pa noong administrasyong Arroyo, kasunod ng mga alegasyon ng katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa kabila nito, iginiit ni Marcos Jr. na puspusan ang kanyang crackdown laban sa korapsyon. “Corruption is like cancer and a major surgery is needed… I am sorry that the people suffered because of it, but it had to be done,” pahayag ng Pangulo.
Gayunpaman, naniniwala ang Makabayan bloc na hindi sapat ang mga resignation at retorika ng Pangulo upang maibalik ang tiwala ng publiko. Anila, ang tunay na solusyon ay ang pananagutan at transparency sa lahat ng antas ng pamahalaan.
