DOE: Presyo ng gasolina inaasahang tataas ng ₱1.10–₱1.30 kada litro
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-06 10:23:32
MANILA — Inaasahang muling tataas ang presyo ng produktong petrolyo sa bansa sa darating na linggo, ayon sa mga lokal na industriya ng langis at sa Department of Energy (DOE).
Batay sa unang apat na araw ng trading sa Mean of Platts Singapore (MOPS), tinatayang tataas ang presyo ng gasolina ng ₱1.10 hanggang ₱1.30 kada litro, habang ang diesel ay bahagyang magtataas ng ₱0.10 hanggang ₱0.30 kada litro. Samantala, ang presyo ng kerosene ay posibleng bumaba ng humigit-kumulang ₱0.25 kada litro.
Ayon kay DOE-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, ang inaasahang paggalaw ng presyo ay bunsod ng mga geopolitical tensions at iba pang pandaigdigang salik. “Final adjustments will be determined after Friday’s MOPS trading,” ani Romero.
Ipinaliwanag ng mga eksperto na nananatiling mataas ang premium at freight costs dahil sa mga tensyon sa pagitan ng ilang bansa, gayundin ang kakulangan ng suplay ng gasolina sa rehiyon ng Asya. Dagdag pa rito, ang mga pagbabago sa foreign exchange rates ay nakakaapekto rin sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay Jetti Petroleum president Leo Bellas, “Based on this week’s MOPS and foreign exchange average for the first 4 days versus last week’s full week average, we are expecting increases in fuel prices next week”.
Ang mga kompanya ng langis ay inaasahang mag-aanunsyo ng opisyal na price adjustments sa Lunes, na ipatutupad kinabukasan, Martes.
Sa kasalukuyan, nananatiling sensitibo ang merkado ng langis sa mga pandaigdigang kaganapan, kabilang ang patuloy na tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine, gayundin ang mga usapin sa suplay ng krudo sa Venezuela at iba pang bansa.
Para sa mga motorista, ang dagdag na presyo ng gasolina ay inaasahang magdadala ng karagdagang pasanin sa gastusin, lalo na sa mga araw ng kapaskuhan. Gayunpaman, ang rollback sa kerosene ay nakikitang makatutulong sa mga kabahayan na umaasa sa produktong ito para sa pang-araw-araw na gamit.
