Diskurso PH
Translate the website into your language:

Guanzon, nagsampa ng kaso matapos ang mainit na komprontasyon sa mall

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-07 18:18:23 Guanzon, nagsampa ng kaso matapos ang mainit na komprontasyon sa mall

DISYEMBRE 7, 2025 — Nag-ugat sa isang simpleng komento tungkol sa pag-ubo ang naging viral na bangayan sa loob ng Rockwell Power Plant Mall, na nauwi sa pagsasampa ng reklamo ni dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Atty. Rowena Guanzon laban sa isang hindi pa nakikilalang indibidwal.

Sa kanyang inilabas na video sa social media, ipinaliwanag ni Guanzon ang dahilan ng kanyang galit matapos siyang sigawan at insultuhin ng isang lalaki at babae sa gitna ng mall. Aniya, agad siyang nagreklamo sa awtoridad.

“Nagreklamo po talaga ako sa police and filed a case for unjust vexation and grave oral defamation last night,” aniya.

(Nagreklamo po talaga ako sa pulis at nagsampa ng kaso para sa unjust vexation at grave oral defamation kagabi.)

Ayon kay Guanzon, nagsimula ang komprontasyon nang sitahin siya ng lalaki dahil sa kanyang pag-ubo.

“Sabi ba naman niya sa ‘kin sa Rockwell Mall na, ‘You’re coughing, you should leave the mall, you should stay at home (Umuubo ka, dapat umalis ka sa mall, manatili ka sa bahay).’ Doon yun nagsimula,” paliwanag niya. 

Dagdag pa niya, lalo siyang napahiya nang tanungin siya ng parehong tao kung wala ba siyang pera para bumili ng mask.

“Napahiya talaga ako doon sa ginawa ng taong yon. Sabihan ka ba naman, ‘Don’t you have money to buy a mask? (Wala ka bang pera para bumili ng mask?),’” kuwento niya.

Ipinaliwanag ni Guanzon na hindi niya basta pinapalampas ang mga sitwasyong tingin niya ay mali at nakakaalipusta.

“Alam niyo naman ako. Hindi naman ako nagagalit kung hindi talagang sukdulan ang injustice o ang mali diba … Hindi naman pwedeng palampasin yun yung ‘pag inaalipusta ka na,” giit niya. 

Sa gitna ng insidente, tumaas umano ang kanyang blood pressure ngunit agad ding bumalik sa normal. Sa ngayon, nakabinbin ang kasong isinampa niya laban sa naturang mall goer, habang patuloy na pinag-uusapan ng publiko ang kumalat na video ng komprontasyon.



(Larawan: Philippine News Agency)