₱333-M sa awards, ₱24-M sa maling pensyon: COA pinagalitan ang SSS sa ‘pagtagas’ ng pondo
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-10 16:43:02
MANILA — Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang Social Security System (SSS) matapos matuklasan na naglabas ito ng ₱333 milyon para sa tinaguriang “Prestige Awards”, kung saan mahigit 6,500 opisyal at empleyado ang nakatanggap ng hanggang ₱50,000 bawat isa.
Ayon sa COA, hindi napatunayan ng SSS na ang mga insentibo ay nakabatay sa aktuwal na savings mula sa innovations, accomplishments, at personal efforts ng mga empleyado, gaya ng hinihingi ng batas na naglilimita sa mga gantimpala sa 20 porsyento ng generated efficiencies.
Ang Prestige Awards ay insentibong pinansyal na ibinibigay upang kilalanin ang natatanging performance at kontribusyon ng mga empleyado na nagdudulot ng efficiency gains.
Sa ulat ng COA, nakasaad na: “Moreover, other awards under the program were granted at a fixed amount of cash incentive regardless of the actual savings generated from the personal efforts recognized. These practices resulted in irregular and excessive expenditures, which are not allowed in audit.”
Dahil dito, inatasan ng COA ang SSS na magbigay ng evaluation report na magpapatunay sa batayan ng mga insentibo o ibalik ang lahat ng hindi napatunayang bayad.
Bukod sa insentibo, natuklasan din ng COA na may mga pensioners na pumanaw na ngunit patuloy pa ring nakatanggap ng pensyon, na nagresulta sa ₱24.811 milyon na overpayments. Ayon sa COA, ito ay “highlights significant weaknesses in the SSS’ financial safeguards leading to loss and wastage of government funds while putting the viability of the pension fund at risk.”
Sa parehong ulat, lumabas na may underpayment sa funeral benefits na umabot sa halos ₱3 milyon, na maaaring magbawas sa karapatan ng mga surviving legal spouses. Sa 1,584 sampled claims, 293 ang kulang ang bayad dahil sa “incomplete computation of contributions.”
Sa kanilang paliwanag, sinabi ng SSS na ang underpayments ay maaaring dulot ng mga sumusunod:
- Lump contributions na lumampas sa maximum allowable number of contributions at hindi naitala sa individual records.
- Mga kontribusyong hindi nakikita sa records dahil ginawa bago ang computerization ng sistema at hindi pa naipapasok ng Processing Center.
- Unadjusted Average Monthly Salary Credit (AMSC) sa oras ng pagproseso.
Hinimok ng COA ang SSS na ayusin ang mga kakulangan sa 293 claims at utusan ang mga processors na muling suriin ang mga Funeral Benefit applications upang matiyak ang validity ng mga ito.
