Gretchen Barretto lusot! Kaso kaugnay ng missing sabungeros, ibinasura ng DOJ
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-10 09:28:24
MANILA — Pinawalang-sala ng Department of Justice (DOJ) si aktres Gretchen Barretto sa kasong kriminal kaugnay ng pagkawala ng 34 na sabungeros mula 2021 hanggang 2022, matapos sabihin ng panel ng mga piskal na kulang at hindi matibay ang ebidensyang iniharap laban sa kanya.
Isinampa ang reklamo laban kay Barretto at sampung iba pang miyembro ng tinaguriang Pitmaster Alpha Group ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan. Inakusahan niya si Barretto at negosyanteng si Charlie “Atong” Ang ng pagkakasangkot sa pagkawala ng mga sabungeros. Gayunman, sa resolusyon ng DOJ, nakasaad na “the evidence against the so-called Pitmaster Alpha Group is speculative and uncorroborated.”
Noong Setyembre, personal na nagsumite si Barretto ng kanyang counter-affidavit sa DOJ kung saan mariin niyang itinanggi ang mga paratang. “The accusations have no basis and the complaint should be dismissed,” ani Barretto sa kanyang pahayag. Sinabi rin ng kanyang abogado na si Atty. Alma Mallonga na ang mga alegasyon ay “unsubstantiated and incredible.”
Ang preliminary investigation ay nagsimula noong Setyembre 18, 2025, kung saan dumalo si Barretto upang ipagtanggol ang sarili. Sa parehong pagdinig, hindi nakadalo si Ang at kinatawan lamang ng kanyang abogado ang nagharap ng paliwanag.
Sa desisyon ng DOJ nitong Disyembre, binigyang-diin ng mga piskal na walang direktang ebidensyang nag-uugnay kay Barretto sa pagkawala ng mga sabungeros. Dahil dito, ibinasura ang reklamong kidnapping at murder laban sa kanya.
Samantala, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon laban sa iba pang indibidwal na pinangalanan sa reklamo. Nanawagan ang DOJ sa publiko na magbigay ng karagdagang impormasyon upang matulungan ang mga awtoridad sa paglutas ng kaso.
Ang desisyon ay nagdulot ng matinding interes mula sa publiko dahil sa mataas na profile ni Barretto at sa lawak ng kontrobersya sa pagkawala ng mga sabungeros, na naging isa sa pinakamalaking unsolved cases sa bansa sa nakalipas na apat na taon.
