Diskurso PH
Translate the website into your language:

Opisyal ng St. Timothy Construction sumuko; kabilang sa kaso sa ‘ghost’ flood control project

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-12-10 09:28:28 Opisyal ng St. Timothy Construction sumuko; kabilang sa kaso sa ‘ghost’ flood control project

MANILA — Sumuko sa Pasig City Police Station ang isang opisyal ng St. Timothy Construction, kumpanyang pag-aari ng mag-asawang kontraktor na sina Pacifico “Curlee” at Cezarah “Sarah” Discaya, na nasa gitna ng kontrobersya kaugnay ng umano’y ghost flood control projects sa Davao Occidental.

Kinilala ang suspek na si Ma. Roma Angeline Rimando, executive officer ng St. Timothy Construction. Ayon sa kanyang legal counsel na si Atty. Cornelio Samaniego, kusang-loob na nagtungo si Rimando sa himpilan ng pulisya nitong Martes upang harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya. “She is not evading the legal process. She is prepared to face the charges and cooperate with authorities,” ani Samaniego.

Noong nakaraang linggo, iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Philippine National Police (PNP) na simulan ang pagtugis kay Rimando, kay Sarah Discaya, at ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos magsampa ang Office of the Ombudsman ng mga kasong graft at malversation of public funds laban sa kanila. Ang mga kaso ay kaugnay ng halos ₱100-milyong flood control project na idineklarang kumpleto at bayad noong 2022 ngunit natuklasang hindi umiiral nang inspeksyunin ng mga awtoridad.

Ang pagsuko ni Rimando ay kasunod ng pagharap ni Sarah Discaya sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong Disyembre 9, ilang araw matapos ipahayag ng Pangulo na inaasahan nang ilalabas ang arrest warrant laban sa kanya.

Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan ang Pasig police sa NBI at DOJ upang iproseso ang legal na hakbang laban kay Rimando. Tiniyak ng mga awtoridad na magpapatuloy ang manhunt laban sa iba pang sangkot sa kontrobersyal na proyekto.

Larawan mula X