CIDG nasabat ang ₱1.8-M ‘palengke mantika’; 1,800 container kumpiskado
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-10 09:28:27
ORIENTAL MINDORO — Nasamsam ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mahigit ₱1.8 milyong halaga ng iligal na cooking oil sa isinagawang operasyon sa lalawigan ng Oriental Mindoro nitong Lunes, Disyembre 8.
Ikinasa ng CIDG ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa ilegal na pagbebenta at distribusyon ng mga produktong mantika na walang kaukulang permit mula sa pamahalaan. Sa raid na isinagawa, nakumpiska ang tinatayang 1,800 containers ng illicit cooking oil na nakalagay sa mga drum at plastic containers.
Sinabi ng CIDG na ang mga nakumpiskang produkto ay hindi dumaan sa tamang proseso ng inspeksyon at walang kaukulang sertipikasyon mula sa Food and Drug Administration (FDA). “These products pose serious health risks to consumers as they have not been tested or certified safe for public use,” ayon sa pahayag ng CIDG.
Dagdag pa ng mga awtoridad, ang operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa smuggling at illegal trading ng mga produktong pagkain at petrolyo sa rehiyon. Ang mga nakumpiskang mantika ay dinala sa himpilan ng CIDG para sa imbentaryo at karagdagang pagsusuri.
Samantala, iniimbestigahan na ang mga indibidwal na responsable sa distribusyon ng naturang cooking oil. Posibleng maharap sila sa kasong violation of the Food Safety Act of 2013 at iba pang kaukulang batas.
Nagbabala ang CIDG at FDA sa publiko na maging mapanuri sa pagbili ng mga produktong pagkain, lalo na kung ito ay ibinebenta sa murang halaga at hindi rehistrado. “Consumers should only buy cooking oil and other food products from legitimate suppliers to ensure safety,” dagdag ng ahensya.
Ang insidente ay nagdulot ng pangamba sa mga residente ng Oriental Mindoro, lalo na’t malawak ang distribusyon ng naturang produkto sa mga lokal na pamilihan. Tiniyak ng mga awtoridad na magpapatuloy ang kanilang operasyon upang masawata ang ganitong uri ng ilegal na kalakalan.
Larawan mula CIDG
