Diskurso PH
Translate the website into your language:

Discaya umapela sa Pasay court; kinuwestiyon ang 'illegal detention' sa Senado

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-12-10 11:56:54 Discaya umapela sa Pasay court; kinuwestiyon ang 'illegal detention' sa Senado

MANILA — Naghain ng petition for certiorari si kontraktor Pacifico “Curlee” Discaya sa Pasay City court upang kuwestiyunin ang kanyang pagkakakulong sa Senado, ayon sa kanyang abogado na si Atty. Cornelio Samaniego III.

Sinabi ni Samaniego na nakakulong na si Discaya sa Senate detention facility mula pa noong Setyembre 23, 2025, matapos siyang ma-cite in contempt ng Senate Blue Ribbon Committee dahil sa umano’y pagsisinungaling sa imbestigasyon kaugnay ng kontrobersyal na flood control projects.

“Last September 23 pa siya nakakulong. Hindi po tayo pinalad na bigyan ng pagkakataong makalaya siya pamamagitan ng petition for habeas corpus,” ani Samaniego.

Dagdag pa ng abogado, nauna nang naghain ng petition for habeas corpus ang kampo ni Discaya ngunit ito ay dineny ng korte. “Pero may pending petition po ulit kami. Base din sa desisyon ng korte na nag-decide sa petition for habeas corpus na dineny niya na dapat daw po ay petition for certiorari,” paliwanag ni Samaniego.

Layunin ng petition for certiorari na itama ang umano’y “grave abuse of discretion” sa hurisdiksiyon ng Senado sa pagpapatuloy ng pagkakakulong kay Discaya.

Si Discaya, may-ari ng St. Timothy Construction at kaugnay sa iba pang kumpanya ng mag-asawang Discaya, ay nasangkot sa umano’y ₱96.5-milyong ghost flood control projects sa Davao Occidental. Noong Disyembre 5, nagsampa ng Office of the Ombudsman ng mga kasong graft at malversation of public funds laban sa kanya at ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Samantala, nananatiling nakapiit si Discaya sa Senado habang hinihintay ang desisyon ng Pasay City court sa kanyang petition. Tiniyak ng kanyang kampo na patuloy silang makikipaglaban sa korte upang mapalaya siya.