Diskurso PH
Translate the website into your language:

Ombudsman Remulla, isusulong ang modernisasyon ng 'Office of the Ombudsman'

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-12-10 00:43:24 Ombudsman Remulla, isusulong ang modernisasyon ng 'Office of the Ombudsman'

MANILA, Philippines Ipinangako ni Jesus Crispin Remulla ang malawakang modernisasyon ng Office of the Ombudsman upang higit na mapabilis at mapahusay ang laban kontra katiwalian, lalo na sa gitna ng mga iniulat na malalaking anomalya sa mga flood control projects sa bansa.

Sa kanyang talumpati sa forum na Sikhay Laban sa Korapsyon, na isinagawa bilang paggunita sa International Anti-Corruption Day, binigyang-diin ni Remulla na maraming kaso ng korapsyon ang nauudlot dahil sa mahihinang datos at kakulangan sa maayos na dokumentasyon. Aniya, madaling nawawala o nabubura ang mga paper trail, kaya kinakailangan ang mas matibay at mas modernong sistema ng pangangalap at pangangalaga ng ebidensya.

Plano ng Ombudsman na bumuo ng isang ganap na digital database, na magsasama ng digital forensics, tamper-proof networks, AI-supported verification, at mas ligtas na investigative workflows. Layunin nitong pigilan ang manipulasyon ng ebidensya at mapabilis ang pagresolba ng mga kaso ng katiwalian.

Ayon kay Remulla, hindi lamang mga indibidwal ang dapat ituro sa tuwing may korapsyon, kundi dapat ayusin ang mismong mga sistemang nagiging daan sa pang-aabuso. Binigyang-diin niya na kung walang reporma, magpapalit lamang umano ng pangalan at mukha ang parehong katiwalian.

The Ombudsman's office will refuse to be a record of politics. I tell our people, every day, something must be accomplished. Because corruption wins when the government slows down... Defeat corruption by refusing to waste time.” Sa pamamagitan ng digital na reporma, inaasahang magiging mas matatag at mas epektibo ang Office of the Ombudsman sa paghabol sa mga tiwaling opisyal at pagpapanatili ng tiwala ng taumbayan.