Farm Fresh, Na-Reverse Sweep ang Capital1
Charles Joseph Ingal Ipinost noong 2025-02-19 15:55:57
Isang matinding comeback ang ipinakita ng Farm Fresh Foxies matapos talunin ang Capital1 sa isang reverse sweep sa PVL All-Filipino Conference. Naganap ang clutch gameplay sa Philsports Arena sa Pasig noong Pebrero 18, 2025. Mula sa dalawang set na pagkakaiwan, bumangon ang Farm Fresh upang maselyuhan ang panalo. Natapos ang laban sa iskor na 18-25, 21-25, 26-24, 25-19, 15-12—isang patunay ng determinasyon at pusong palaban ng Foxies hanggang sa huling puntos.
Matinding pagsubok ang hinarap ng Farm Fresh, lalo na sa third set kung saan nalagay sila sa 8-17 deficit. Sa kabila nito, hindi sumuko ang koponan at unti-unting binawi ang kalamangan sa pamamagitan ng clutch plays nina Rachel Anne Daquis at Alyssa Bertolano. Matapos mapanalunan ang third set, ginamit ng Foxies ang kanilang momentum upang dominahin ang fourth set at pilitin ang deciding fifth set. Dito na tuluyang tinapos ng Farm Fresh ang laban pabor sa kanila.
Sa kabila ng kanilang tagumpay, hindi nakalaro si Trisha Tubu dahil sa injury. Gayunpaman, hindi ito naging hadlang para sa Farm Fresh na ipanalo ang laro. Ang panalong ito ay mahalaga para sa Foxies matapos ang kanilang dalawang sunod na pagkatalo. Dahil dito, nagtapos sila sa preliminaries na may 5-6 record—isang malaking improvement mula sa kanilang performance sa nakaraang conference season.
Samantala, patuloy ang paghihirap ng Capital1 matapos matikman ang kanilang ikapitong sunod na talo. Sa kabila ng kanilang matibay na simula, hindi nila napanatili ang kanilang laro sa huling tatlong sets. Dahil dito, nagtapos sila sa preliminaries na may 1-10 record at patuloy na haharapin ang hamon ng pagbuo ng mas matatag na koponan.
Isa sa mga naging susi ng tagumpay ng Farm Fresh ay si Rachel Daquis, na nagtala ng 19 points at 13 digs. Ayon sa kanilang coach na si Benson Bocboc, “Nakakatuwa naman kasi nakabalik ‘yung mga players na inaasahan namin. First two sets, talagang off ‘yung reception namin, wala. Other players have to step up talaga. ‘Yung iba, hindi na umaalis, ‘yung iba, nagka-cramps na pero laban sila, kaya buti nakuha ‘yung panalo.”
Sa panig ng Capital1, hindi rin nagpahuli sina Heather Guino-o at Leila Cruz, na pinagsamang nagtala ng 31 points. Samantala, si Roma Doromal naman ay nag-ambag ng 26 digs at 22 receptions. Gayunpaman, hindi ito naging sapat upang pigilan ang pagratsada ng Farm Fresh.
Sa hinaharap, may posibilidad na makapasok ang Farm Fresh sa qualifying round. Posible pero magiging depende pa rin sa magiging resulta ng iba pang laban sa conference. Samantala, ang final ranking ng Capital1 ay maaari pang magbago depende sa kanilang quotient.
Larawan: PVL Images