Diskurso PH
Translate the website into your language:

Basketball: Beal tuluyan nang nagpa-buyout sa Suns, lilipat sa Clippers

Ace Alfred AceroIpinost noong 2025-07-18 10:33:33 Basketball: Beal tuluyan nang nagpa-buyout sa Suns, lilipat sa Clippers

July 17 - Nagkasundo na sa buyout si Bradley Beal at ang Phoenix Suns, at inaasahang sasama na siya sa Los Angeles Clippers matapos ma-clear sa waivers, ayon sa mga ulat ngayong Huwebes.

Ayon sa kanyang ahente, si Beal ay pipirma ng dalawang taong kontrata sa Clippers na nagkakahalaga ng $11 milyon, may kasamang player option para sa 2026-27 season — posibleng magbigay sa kanya ng pagkakataong maging top free agent sa susunod na taon.

Si Beal, 32, ay 3-time NBA All-Star at dating 3rd overall pick ng Washington noong 2012. Nalipat siya sa Suns noong 2023 ngunit hindi naging matagumpay ang kanyang dalawang season sa Phoenix, kung saan nagtamo rin siya ng mga injury at hindi naipakita ang kanyang dating anyo.

Sa kanyang huling season, naglaro si Beal ng 53 games at nagtala ng averages na 17.0 puntos, 3.7 assists, 3.3 rebounds at 1.1 steals — ang kanyang pinakamababang scoring output mula 2014-15 season.

Ang buyout kay Beal ay isa lamang sa serye ng mga hakbang ng Suns upang ayusin ang kanilang roster. Matatandaang nawala sila sa playoffs nitong 2025 sa kabila ng pagkakaroon ng pinakamahal na lineup sa liga. Tinanggal na rin nila si Mike Budenholzer bilang coach at pinalitan ng dating Cleveland assistant coach na si Jordan Ott.

Sa offseason na ito, itinrade din ng Suns si Kevin Durant sa Houston Rockets sa isang pitong-team blockbuster deal.

Sa panig ng Clippers, makakasama ni Beal sina James Harden, Kawhi Leonard, at Brook Lopez upang buuin ang panibagong powerhouse sa Western Conference.

Ilang ibang koponan rin ang nagtangkang kunin si Beal, ngunit mas pinili nito ang Los Angeles, na may sapat na salary cap flexibility upang maging aktibo sa free agency sa susunod na dalawang taon.