PNVF President dumepensa sa paglabas ng gambling logo sa FIVB Men’s World Championship
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-17 13:48:52
MANILA — Dumepensa si Philippine National Volleyball Federation (PNVF) President Ramon “Tats” Suzara sa isyu ng paglabas ng logo ng isang gambling site sa 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship na kasalukuyang ginaganap sa bansa.
Ayon kay Suzara, ang nasabing mga logo ay lumabas lamang sa international broadcast feed ng Volleyball World at hindi sa mga lokal na telebisyon at sa playing court mismo. Giit niya, wala umanong direktang kinalaman ang PNVF sa mga materyales na ginagamit sa international streaming at wala silang kontrol sa mga ipinapakita rito.
Ang pahayag ay kasunod ng panawagan ni Senate Games and Amusement Committee Chairperson Sen. Erwin Tulfo na imbestigahan ang insidente. Ipinag-utos ng senador na magsagawa ng pagsisiyasat ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) upang matukoy kung may nilabag na batas sa paglabas ng naturang gambling promotion.
Dagdag pa ni Suzara, bago pa man magsimula ang torneo ay nakatanggap na sila ng paalala mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapakita ng anumang logo o anunsiyo mula sa gambling entities sa loob ng bansa.
“Ang nangyaring ito ay hindi bahagi ng lokal na organisasyon ng torneo at malinaw na nasa international feed lamang ito. Tinitiyak namin na sinusunod ng PNVF ang lahat ng regulasyon ng gobyerno,” ani Suzara.
Ang insidente ay nagdulot ng diskusyon hindi lamang sa mga manlalaro at tagahanga ng volleyball, kundi pati na rin sa publiko, dahil sa patuloy na pangamba sa epekto ng online gambling sa kabataan at integridad ng sports. Sa ngayon, inaasahan ang mas malalim na imbestigasyon ng mga ahensya ng gobyerno hinggil sa naturang isyu.