PH nanawagan sa UN Security Council na higpitan ang regulasyon sa AI-powered weapons
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-28 23:47:28
Setyembre 28, 2025 – Nanawagan ang Pilipinas sa United Nations Security Council (UNSC) na magpatupad ng mas malinaw at mahigpit na regulasyon laban sa paggamit ng artificial intelligence (AI)-powered weapons sa mga operasyong militar.
Sa talumpati ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro sa isang debate ng UNSC sa New York, binigyang-diin ng bansa na ang mabilis na pag-unlad ng teknolohiya sa depensa, partikular ang paggamit ng AI, ay maaaring magdulot ng banta sa pandaigdigang kapayapaan kung hindi maagapan ng malinaw na alituntunin.
Ayon kay Lazaro, ang hindi makontrol na paggamit ng AI weapons ay maaaring magpababa sa threshold ng pakikipagdigma, magpalala ng tensyon sa pagitan ng mga bansa, at magresulta sa desisyong may kinalaman sa buhay at kamatayan na ipinauubaya lamang sa mga makina.
“Ang paggamit ng AI sa digmaan ay dapat laging nakaangkla sa internasyonal na makataong batas at karapatang pantao,” ani Lazaro. Idinagdag niya na kinakailangang manatiling may human oversight, transparency at accountability ang bawat bansang gumagamit ng naturang teknolohiya.
Matatandaang kabilang ang Pilipinas sa mga nagtaguyod ng isang resolusyon ng United Nations General Assembly noong 2024 na nagbabala laban sa posibleng AI arms race at panganib ng pagkakalat ng ganitong teknolohiya sa mga non-state actors.
Binanggit din ng Department of Foreign Affairs na ang regulasyon ay hindi lamang dapat nakatuon sa mga estado kundi maging sa mga pribadong kumpanya at defense contractors na bumubuo ng ganitong mga armas.
Gayunpaman, inaasahang magiging mahirap ang pagkakaroon ng consensus sa UNSC dahil sa magkakaibang interes ng mga malalaking kapangyarihan, partikular sa mga bansang nakikinabang sa mabilis na pag-develop ng AI sa depensa.