Diskurso PH
Translate the website into your language:

Walang ads, may bayad: Meta naglunsad ng subscription model sa United Kingdom

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-29 09:30:32 Walang ads, may bayad: Meta naglunsad ng subscription model sa United Kingdom

Sa ilalim ng bagong patakaran ng Meta Platforms, Inc., ang mga gumagamit ng Facebook at Instagram sa United Kingdom ay kailangang magbayad kung nais nilang gumamit ng mga platform nang walang ads. 

Inanunsyo ng kumpanya na simula sa mga susunod na linggo, ang mga user sa UK ay bibigyan ng opsyon na mag-subscribe para sa ad-free na karanasan bilang tugon sa regulasyong inilabas ng Information Commissioner’s Office (ICO), ang data watchdog ng bansa.

Ayon sa Meta, “Over the coming weeks, in response to recent UK regulatory guidance and following extensive engagement with the Information Commissioner’s Office (ICO), we will introduce Subscription for no ads in the UK.” Ang bayad ay £2.99 kada buwan kung sa web mag-subscribe, at £3.99 kada buwan kung sa iOS o Android apps, mas mataas dahil sa dagdag na singil mula sa Apple at Google.

Ang subscription ay saklaw ang unang Meta account ng user. Para sa karagdagang account na naka-link sa Meta Accounts Center, may dagdag na bayad na £2 sa web at £3 sa mobile kada buwan.

Hindi tulad ng mga gumagamit sa European Union, ang mga user sa UK ay walang opsyon na pumili ng “less personalised” ads kung hindi sila magbabayad. Sa EU, pinayagan ng mga regulator ang ganitong opsyon matapos ang mga reklamo ukol sa privacy. Sa UK, ang tanging alternatibo ay manatili sa libreng bersyon na may personalized ads, o magbayad para sa ad-free na karanasan.

Sinabi ng Meta, “It will give people in the UK a clear choice about whether their data is used for personalised advertising, while preserving the free access and value that the ads-supported internet creates for people, businesses and platforms.” Dagdag pa ng kumpanya, kapag nag-subscribe ang isang user, “their personal data will not be used to show them ads”.

Pinuri ng ICO ang hakbang ng Meta bilang pagsunod sa batas ng UK. Ayon sa tagapagsalita ng ICO, “This moves Meta away from targeting users with ads as part of the standard terms and conditions for using its Facebook and Instagram services, which we've been clear is not in line with UK law”.

Ang bagong modelo ay bahagi ng lumalawak na trend sa tech industry kung saan binibigyan ang mga user ng mas malinaw na kontrol sa kanilang data. Sa kabila nito, inaasahang mananatili ang karamihan sa libreng bersyon, lalo’t halos 97% ng kita ng Meta noong 2024 ay mula sa digital advertising.

Sa UK, ang bagong patakaran ay inaasahang magdudulot ng mas balanseng ugnayan sa pagitan ng privacy ng user at kita ng kumpanya, habang patuloy na binabantayan ng mga regulator ang paggamit ng personal na impormasyon sa online platforms.