‘20-80 rule’ sa pag-charge para mapangalagaan ang battery health ng iyong iPhone, epektibo nga ba?
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-03 00:09:39
OKTUBRE 3, 2025 — Isang babae ang nagsagawa ng isang taong pagsubok gamit ang kanyang iPhone 16 Pro Max, kung saan itinakda niyang hindi lalampas sa 80% charge ang kanyang device. Ayon sa kanyang isinulat sa MacRumors, sinubukan niya ito upang makita ang epekto sa battery longevity.
Mula Setyembre 2024 hanggang Setyembre 2025, nanatili ang kanyang iPhone sa 80% charge limit at umabot ito sa 94% maximum battery capacity matapos ang 299 charge cycles. Ngunit nakapagtataka, dahil maging sa kanyang naunang eksperimento gamit ang iPhone 15 Pro Max na regular na chinacharge hanggang 100%, ay kapareho lamang ang resulta—94% capacity rin matapos ang isang taon.
Ipinaliwanag din niya na mas pinili niyang panatilihin ang kanyang iPhone sa pagitan ng 20% hanggang 80% upang maiwasan ang mabilis na pagkasira ng baterya. Gayunpaman, inamin niyang hindi ito palaging praktikal, lalo na kapag ginagamit niya ang kamera o GPS sa labas ng bahay. Bukod dito, napansin niyang mas umiinit ang iPhone kapag naka-MagSafe charge, bagay na posibleng nakaapekto rin sa kalusugan ng baterya.
Sa huli, inamin ng babae na naging nakakainis at hindi sulit ang pagsunod sa 80% limit, dahil hindi naman nagbigay ng malinaw na benepisyo sa battery health. Gayunpaman, nagpasyang ipagpatuloy pa rin niya ang eksperimento gamit ang kanyang bagong iPhone 17 Pro Max, upang makita kung magbabago ang resulta sa mas malaking baterya at bagong materyales ng device. (Larawan: Getty Images / Google)