Diskurso PH
Translate the website into your language:

Panukala sa Mas Responsableng Pagmamay-ari ng Baril, Ipinagtibay ng Senado

Jaybee Co-AngIpinost noong 2025-02-02 17:01:44 Panukala sa Mas Responsableng Pagmamay-ari ng Baril, Ipinagtibay ng Senado

Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ang Senate Bill Blg. 2895, na nag-aamyenda sa Republic Act Blg. 10591, na kilala rin bilang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. Layunin ng panukalang batas na mapadali ang proseso ng pagkuha ng lisensya, mapalakas ang regulasyon sa pagkakaroon ng baril, at itaguyod ang responsableng pagmamay-ari nito. Pinangunahan ito ni Senador Ronald "Bato" Dela Rosa na binigyang-diin ang kahalagahan ng panukala sa pagpapanatili ng kaligtasan ng publiko.

"With the approval of the amendments under the bill, it clarifies licensing and registration procedures which will promote compliance; strengthens regulations against illegal firearms and enhances public safety; provides for the safe and responsible transfer of firearms in cases of death or incapacity; and establishes an amnesty program to encourage the registration of unregistered firearms nationwide," ani ni Senator Dela Rosa.

Ipinaliwanag ni Dela Rosa na ang mga pagbabago sa batas ay mas naipapaliwanag ang mga patakaran sa pagkuha at pagrerehistro ng lisensya kapag kukuha ng baril, nais din nito na mabawasan ang bureaucratic red tape, at makagawa ng bagong proseso para sa maayos na paglilipat ng pagmamay-ari ng baril kapag namatay o incapacitated ang dating may-ari. Nilinaw din niya na nais ng panukala ng tatlong taong programa ng amnestiya para sa mga hindi rehistradong baril, para mahikayat ang mga tao na iparehistro ang kanilang baril nang walang parusa. Bibigyan din ng otoridad ang Hepe ng Philippine National Police na magtalaga ng kinatawan na mag-iisyu ng Permit to Carry Firearms Outside Residence, para mapadali ang proseso sa mga kawalipikadong aplikante.

Ayon din sa panukalang ito, ang isang indibidwal na may nakabinbing kaso ay hindi awtomatikong madidiskwalipika kapag kukuha ng baril maliban kung ang kaso ay may kinalaman sa paggamit ng baril, bala, o anumang bahagi nito, o kung may kautusan ang korte na idiskwalipika. Hindi na rin kailangang magsumite ng threat assessment certificate ang ilang propesyonal, tulad ng healthcare workers at security officers,kapag kukuha ng permit. Gagawin ding sampung taon ang bisa ng lisensya ng mga nagmamanufacture at nagbebenta ng baril, para hindi lagi nagrerenew at mapagaan din ang administratibong pasanin ng mga negosyante. Bilang pagkilala sa mga sports shooter na lumalahok sa mga  international competition, hindi na rin nila kailangang kumuha ng pahintulot sa Commission on Elections para makapagdala ng baril tuwing eleksyon.

Agad ding nilinaw ni Dela Rosa ang mga agam-agam na maaaring pahinain ng mga amyenda ang regulasyon sa baril, at binigyang-diin na hindi tungkol sa pagpapaluwag ng mga patakaran ang panukala kundi sa pagsisiguro ng responsableng pagmamay-ari ng baril."These amendments are not about loosening restrictions or promoting the proliferation of firearms. This is to further promote a culture of safety and accountability through the clarification of regulations and the promotion of responsible gun ownership. This is a step towards a safer country where firearms are respected and used according to the law and for responsible purposes,"  paliwanag niya.

Larawan mula sa: https://www.conectas.org/en/noticias/decree-that-restricts-firearms-is-heralded-by-organizations/

Sources:

congress.gov.ph

senate.gov.ph