Diskurso PH
Translate the website into your language:

Senate Committee Meeting Schedules: Nakatutok Ngayon ang Senado sa Budget, Imprastruktura, at Seguridad

Jaybee Co-AngIpinost noong 2025-09-30 07:59:16 Senate Committee Meeting Schedules: Nakatutok Ngayon ang Senado sa Budget, Imprastruktura, at Seguridad

Punong-puno ang schedule ng Senado ngayong Martes, September 30, dahil sunod-sunod ang mga committee hearings at organizational meetings na tatalakay sa national security, imprastruktura, transportasyon, at mga isyung may kinalaman sa pamumuhunan ng gobyerno.

Magsisimula ang araw ng Senado sa 9:00 a.m. sa pamamagitan ng Finance Subcommittee E na pinamumunuan ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa. Sila ay magdideliberate sa proposed 2026 budget ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA), National Security Council (NSC), Dangerous Drugs Board (DDB), at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Ang mga ahensyang ito ang pangunahing katuwang ng gobyerno sa intelligence, anti-drug operations, at pagpaplano ng pambansang seguridad.

Sa 10:00 a.m., magsasagawa naman ng organizational meeting ang Committee on Public Works na pinamumunuan ni Sen. Cynthia Villar. Kasama rito ang briefing ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang government agencies tungkol sa kanilang priority legislative agenda at status ng malalaking infrastructure flagship programs at high-impact projects sa buong bansa.

Pagdating ng 11:00 a.m., ilalatag ng Finance Subcommittee B na pinamumunuan ni Sen. Jinggoy Estrada ang proposed 2026 budget ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).

Pagsapit ng hapon, sabay-sabay na mga hearing ang gagawin. Sa 1:00 p.m., itutuloy ng Finance Subcommittee F sa pamumuno ni Sen. JV Ejercito ang deliberasyon sa 2026 budget ng Department of Transportation (DOTr) at mga attached agencies nito. Kasabay nito, magsasagawa rin ng organizational meeting ang Committee on Government Corporations and Public Enterprises na pinamumunuan ni Sen. Villar. Isa sa pangunahing tatalakayin ang mga resolusyong may kinalaman sa diumano’y questionable investments ng Government Service Insurance System (GSIS), kabilang ang mga isyu na binanggit sa privilege speech ni Sen. Risa Hontiveros noong Agosto.

Samantala, sa 1:30 p.m., magkakaroon ng organizational meeting ang Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation sa pamumuno ni Sen. Loren Legarda. Magbibigay ng briefing ang Department of National Defense (DND), Armed Forces of the Philippines (AFP), at Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) hinggil sa mga pangunahing programa sa depensa at peace efforts ng gobyerno.

Ngayong Martes sa Senado ay nakalaan para sa masinsinang pagtutok sa mga ahensya ng gobyerno habang papalapit ang plenary deliberations ng 2026 national budget.