Senate Committee Meeting Schedule: Senate Subcommittee, Sisimulan ang Pagsusuri sa 2026 Budget ng DOH
Jaybee Co-Ang Ipinost noong 2025-10-01 11:04:21
Tututukan ngayong araw ng Senate Finance Subcommittee D, sa pangunguna ni Sen. Pia Cayetano, ang panukalang 2026 budget ng Department of Health (DOH) at mga attached agencies nito. Nakatakdang magsimula ang pagdinig alas-11 ng umaga sa Sen. Claro M. Recto Room at Sen. Jose P. Laurel Room, 2/F Right Wing ng Senado.
Inaasahang maraming isyung ilalabas ng mga senador kaugnay sa pondo ng DOH—kabilang na ang pagpapatupad ng Universal Health Care Law, pagpapalakas ng primary health care, at mga programang pang-prevention ng sakit.
Bukod dito, posibleng matalakay din ang kakulangan sa health workers, kondisyon ng mga ospital, suplay ng bakuna, at iba pang health services lalo na sa malalayong probinsya. Highlight din ang usapin kung paano paghahandaan ng ahensya ang mga future health emergencies matapos ang karanasan ng bansa sa pandemya.
Hindi lang ang DOH mismo ang magtatanggol ng budget nito kundi pati ang mga attached agencies gaya ng specialty hospitals at regulatory boards na may malaking papel sa health sector.
Bahagi ito ng mas malawak na proseso ng pagsusuri ng Senado sa 2026 General Appropriations Bill. Matapos ang subcommittee hearings, iko-consolidate ang budget proposals bago ito ilatag sa plenaryo para sa mas malalim na debate at posibleng amendments.