Diskurso PH
Translate the website into your language:

Senado, Inumpisahan ang Debate sa U.S.-Philippines Agreement on Narcotics Control

Jaybee Co-AngIpinost noong 2025-09-30 07:59:24 Senado, Inumpisahan ang Debate sa U.S.-Philippines Agreement on Narcotics Control

Nagsimula na ang plenary deliberations ng Senado hinggil sa Senate Resolution No. 139 na naglalayong kumpirmahin ang ratipikasyon ng Letter of Agreement (LOA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos kaugnay ng narcotics control at law enforcement.

Pormal na ini-sponsor ni Sen. Imee Marcos, chairperson ng Committee on Foreign Relations, ang resolusyon noong Lunes, September 29, 2025. Sa kanyang talumpati, binigyang-diin niya na ang ratipikasyon ng kasunduan bilang isang treaty ay magtitiyak ng patuloy na access ng Pilipinas sa pondo, teknikal na tulong, at specialized expertise mula sa Estados Unidos. Idinagdag pa niya na ito ay magsisilbing malinaw na mensahe sa international community na seryoso ang Pilipinas sa pagtupad ng obligasyon at pagpapatibay ng strategic partnerships.

Kabilang sa mga naghayag ng suporta ay sina Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, Sen. Bong Go, at Senate Deputy Majority Leader Risa Hontiveros.

Para kay Dela Rosa, mahalaga ang pagkakaroon ng “stable, predictable, at dependable” na framework ng kooperasyon upang masiguro ang tuloy-tuloy na laban kontra iligal na droga anuman ang maging direksyon ng pamahalaan.

Sa kanyang co-sponsorship speech, binigyang-diin naman ni Go na ang resolusyon ay patunay ng pangmatagalang commitment ng Pilipinas na palakasin ang pakikipagtulungan sa U.S. sa larangan ng drug prevention, enforcement, at capacity building.

Samantala, sinabi ni Hontiveros na ang suporta sa ratipikasyon ng kasunduan ay nakabatay din sa mga positibong developments sa kampanya kontra droga, kabilang ang mga ulat na bumaba ang drug use sa bansa. Aniya, ito ay magandang senyales na dapat mas lalo pang pagtibayin ang international cooperation.

Ang LOA na nilagdaan pa noong 2011 ang nagsilbing pundasyon ng U.S. assistance sa Pilipinas sa laban kontra illegal drugs. Sa pamamagitan ng ratipikasyon, layon ng Senado na gawing mas matatag at mas pormal ang kasunduang ito upang magpatuloy ang kolaborasyon kahit pa may pagbabago sa pulitika at pamahalaan.

Sa mga darating na araw, ipagpapatuloy ng Senado ang plenary debates bago tuluyang pagbotohan ang resolusyon.