Tuloy ang Pabahay: Panukalang Ekstensyon para sa NHA
Jaybee Co-Ang Ipinost noong 2025-02-13 18:19:37
Isinusulong ng Senado at ng House of Representatives ang panukalang batas na naglalayong ipagpatuloy ng National Housing Authority (NHA) ang kanyang mandato upang matiyak ang patuloy na pagpapatupad ng mga programang pabahay para sa mga pamilyang mahihirap sa Pilipinas.
Ang House Bill No. 10172 at Senate Bill No. 2818 ay parehong naglalayong palakasin ang mandato ng NHA at madagdagan ang taon nito lampas sa nakatakdang pagkapaso nito sa Hulyo 2025. Gayunpaman, may mga pangunahing pagkakaiba sa dalawang bersyon ng panukala, kung saan ang bersyon ng HRep ay nagmumungkahi ng dagdag na 25 na taon habang ang Senado ay nagpaplanong gawing 50 taon. Inaasahan ang isang bicameral conference upang pagtugmain ang mga pagkakaibang ito bago isumite ang panukala sa Office of the President.
Sa ilalim ng panukalang batas, ipagpapatuloy ng NHA ang pagpapatupad ng pagpapabuti ng mga nasa slum area, relokasyon ng mga informal settler, pag-develop ng mga lugar para sa pabahay, at pagtatayo ng mga yunit upang tugunan ang pangangailangan sa tirahan ng pinakamahirap na 30 porsyento ng populasyon sa mga lungsod. Kasama rin sa panukala ang pagpapalakas ng NHA upang higit nitong maisakatuparan ang mga solusyong pabahay na dapat matibay, abot-kaya, at pangmatagalan.
Ang NHA, ay isang government-owned and controlled corporation (GOCC) na itinatag noong 1975 sa bisa ng Presidential Decree No. 757, na may mahalagang papel sa reporma sa lupa at pabahay sa mga lungsod. Pinalakas ang mandato nito ng Executive Order (EO) No. 90 noong 1986, na binigyang-diin ang mga programang pabahay para sa mga informal settler at marginalized na komunidad. Ang mga panukalang batas ay naglalayong palawakin ang kapangyarihan ng NHA sa pagkuha, pag-develop, at pamamahala ng mga lupain para sa socialized housing projects. Layunin din nitong palakasin ang pakikipagtulungan ng NHA sa mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor upang mapabilis ang pagpapatupad ng mga programang pabahay at pagtugon sa mga hamon ng pabahay na may kakayahang tumugon sa epekto ng pagbabago ng klima.
“The Congress needs to extend the corporate life of the NHA in support of the State policy of sustaining an urban land reform and housing program that shall make available, affordable, and decent housing with basic services to underprivileged and homeless citizens,” ayon kay Camarines Sur Rep. Luis Villafuerte.
Dagdag pa rito, layunin ng mga panukala na taasan ang kapitalisasyon ng NHA mula PHP 5 bilyon sa PHP 10 bilyon upang suportahan ang pangmatagalang programa sa pabahay tulat ng resettlement pagkatapos ng sakuna. Kasama rin sa mga probisyon ang pagpapabuti ng akses sa pondo at mga mekanismong pampinansyal sa pagpapatupad ng mas maraming pabahay.
“This extension will allow the NHA to continue fulfilling its mandate and ensuring that housing programs for the poorest Filipino families remain uninterrupted,” Dagdag ni Rep. Villafuerte. “ Housing is a fundamental right, and this measure ensures that the government remains committed to addressing the shelter needs of our most vulnerable communities.”
Bukod pa rito, Nkaatuon din ng panukala ang pangangailangan para sa mandatoryong pagsusuri ng NHA kada limang taon upang matiyak na ang mga programang pabahay ay nananatiling epektibo, transparent, at ayon sa national development goals. Gagampanan din ng NHA ang pangunahing papel sa pagbuo ng mga polisiya na iniaayon ang pabahay sa urban planning at social services, upang matiyak na ang mga pamilyang nailipat ay may akses sa kanilang kabuhayan at mahahalagang serbisyo.
Larawan: Mula sa National Housing Authority
