Diskurso PH
Translate the website into your language:

Pagpapatalsik kay VP Sara Duterte: Paano isasagawa at ano ang epekto?

Jaybee Co-AngIpinost noong 2025-02-15 19:32:19 Pagpapatalsik kay VP Sara Duterte: Paano isasagawa at ano ang epekto?

Ang impeachment ay isang makapangyarihang proseso na isinasagawa upang tanggalin sa puwesto ang isang maataas na opisyal ng gobyerno na  lumabag sa batas. Layunin nitong panagutin ang mga pinuno sa kanilang mga nagawa. Naging usap usapan ngayon kung ano ang proseso ng impeachment kaugnay  ng kaso kay Vice President Sara Duterte at ano ang epekto nito sa bansa.

Ang impeachment ay alinsunod sa mga parakarang itinakda ng 1987 Constitution ng Pilipinas at ng House of Representatives. Ipinapataw ito sa mga opisyal tulad ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, Supreme Court Justice, mga pinuno ng mga Constitutional Commission at ng Ombudsman. Maaaring ma-impeach ang isang opisyal ng gobyerno dahil sa mga kaso tulad ng paglabag sa konstitusyon, pagtataksil sa bayan, panunuhol, korapsyon, iba pang mabibigat na krimen, o  pagtataksil sa publiko.

Nagsisimula ang proseso ng impeachment kapag may nagsampa ng reklamo. Maaari itong gawin ng isang miyembro ng HRep, isang pribadong mamamayan na may suporta ng isang miyembro ng Kongreso, o hindi bababa sa 1/3 ng boto ng lahat ng miyembro ng HRep. Ang reklamo ay ipapasa sa Committee on Justice upang suriin kung ito ay sumusunod sa mga patakaran at kung may sapat na dahilan upang ipagpatuloy ito. Kapag ito ay napatunayang may basehan, magsasagawa ng masusing pagsisiyasat sa pamamagitan ng mga pagdinig at pagsusuri sa mga ebidensya. Pagkatapos nito, magsusumite ang komite ng ulat. Kung hindi bababa sa ⅓  ng mga miyembro ang pumabor sa impeachment, ang kaso ay ipapasa sa Senado, na magsisilbing Hukuman ng Impeachment. Isang paglilitis ang isasagawa ng Senado upang alamin kung dapat tanggalin sa puwesto ang akusadong opisyal.

Kasalukuyang nahaharap si VP Sara Duterte sa apat na reklamo ng impeachment na may mga paratang tulad ng pagtataksil sa publiko, korapsyon, at iba pang mabibigat na krimen. Ang unang reklamo ay isinampa ng mga mambabatas mula sa oposisyon at mga civil group, na inaakusahan siya sa maling paggamit ng pondo ng gobyerno at maling pamamahala. Ang pangalawang reklamo ay sinuportahan ng 70 aktibista mula sa Bagong Alyansang Makabayan, na nagsabing ginamit niya nang hindi tama ang mga confidential funds ng gobyerno. Ang pangatlong reklamo ay isinampa ng mga lider ng relihiyon, abogado, at iba pang mamamayan, na nagsampa rin ng kaso ng pagtataksil sa publiko. Ang pang-apat at pinakamabigat na reklamo ay sinuportahan ng 215 na miyembro ng HRep, kabilang sina Ilocos Norte Representative Sandro Marcos at House Speaker Martin Romualdez. Ang reklamong ito ay dahil sa mga paratang ng korapsyon, planong ipapatay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., pagkakasangkot sa extrajudicial killings, at pang-uudyok ng kaguluhan sa publiko.

Matapos maisampa ang mga reklamong ito, sinuri ng Committee on Justice ang mga ito at nakitang may sapat na basehan upang ipagpatuloy ang proseso. Maraming kritiko ang naniniwalang makatarungan ang impeachment dahil sa mga umano’y paglabag ni VP Duterte, ngunit sinasabi naman ng kanyang mga tagasuporta na ito ay isang pampulitikang hakbang upang pahinain ang kanyang tsansa upang manalo sa susunod na halalan sa 2028.

May malinaw na mga hakbang at sinusunod na schedule ang impeachment. Kailangang tiyakin ng Committee on Justice na ang mga reklamo ay ligal bago ito ipagpatuloy. Kung may sapat na ebidensya, magsasagawa ng pormal na pagdinig. Karamihan sa mga pagdinig sa impeachment ay bukas sa publiko, ngunit maaaring gawin sa pribado ang ilang bahagi ng deliberasyon kung may kaugnayan ito sa pambansang seguridad. Bumoto ang nga House Member ng HRep na may botong 215-85 pabor sa impeachment ni VP Duterte, na lumampas sa kinakailangang bilang ng boto upang maisulong ang kaso sa Senado. Mayroong 11 na miyembro ng HRep ang itinalaga bilang mga tagausig na magsusulong ng kaso laban kay VP Duterte sa paglilitis ng Senado.

Ang paglilitis sa Senado ay naging sentro ng usapin. susuriin na ng mga senador ang mga paratang habang parehong naghahanda ng argumento ang prosekusyon at depensa. Tatawagin ang mga testigo, at susuriing mabuti ang ebidensya sa isang paglilitis na ipapalabas sa telebisyon. Maaaring subaybayan ng publiko at mga eksperto kung sapat ang ebidensya upang mapatalsik si VP Duterte. Nangako ang Senado na magiging patas sa paglilitis, ngunit hindi pa tiyak ang magiging resulta.

Ipinaliwanag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na hindi sinasadya ng Senado na ipagpaliban ang paglilitis. Sinabi niyang hindi maaaring simulan ang paglilitis habang naka-recess ang Kongreso at magsisimula ito sa pagbubukas ng sesyon. Binigyang-diin din ni Senator Escudero na inabot ng dalawang buwan ang HRep upang iproseso ang impeachment, kaya hindi makatuwirang asahan na madaliin ng Senado ang paglilitis.

Hinimok ni Escudero ang mga senador na huwag magbigay ng pahayag sa publiko tungkol sa kaso upang mapanatili ang pagiging patas, dahil sila ang magsisilbing hukom sa paglilitis. May mga kritiko na naiinip sa tagal ng proseso at naniniwalang naaantala nito ang inaasahang hustisya, ngunit iginiit ni Escudero na kailangang sundin ng Senado ang tamang pamamaraan. “We won’t rush it, but we will not delay it either. We will not allow ourselves to be pressured by anybody. We will do our job according to the Constitution and the Senate rules,” aniya. Ipinaliwanag din niya na bagama’t mahalaga ang impeachment, kailangang tiyakin ng Senado na masusing pag-aaralan ang ebidensya bago gumawa ng desisyon.

Binalewala naman ni VP Duterte ang impeachment at tila hindi siya apektado nito. Sinabi niya, “Mas masakit pa maiwan ng boyfriend o girlfriend kaysa ma-impeach ka ng House of Representatives.” Dagdag pa niya, inaasahan na niya ang impeachment at handa siyang ipagtanggol ang sarili sa paglilitis. Itinanggi niya ang mga paratang at hinimok ang kanyang mga tagasuporta na huwag magsagawa ng protesta sa lansangan, kundi ipahayag na lamang ang kanilang mga opinyon sa social media. Nangako rin siyang ipagpapatuloy ang kanyang tungkulin bilang Pangalawang Pangulo habang inihahanda ang kanyang depensa sa paglilitis ng Senado.

Ang impeachment ay isang seryosong proseso sa batas at politika na nagsisilbing paraan upang bantayan ang mga nasa kapangyarihan sa gobyerno. Kung matatanggal si VP Sara Duterte sa puwesto ay nakasalalay sa lakas ng ebidensyang ihaharap laban sa kanya at sa determinasyon ng Kongreso na ituloy ang kaso. Anuman ang kahihinatnan, ipinapakita ng kasong ito ang kahalagahan ng transparency, pananagutan, at patas na proseso sa pamahalaan ng Pilipinas.

Larawan: Radyo Pilipinas