Mga Detalye ng Impeachment Complaint Laban kay VP Sara Duterte
Jaybee Co-Ang Ipinost noong 2025-02-20 18:09:00
Isang verified impeachment complaint ang isinampa laban kay Pangalawang Pangulo Sara Zimmerman Duterte, na naglalaman ng ilang mabibigat na paratang. Ayon sa reklamo, nilabag ni Duterte ang Konstitusyon, nagtaksil sa publiko, nasangkot sa katiwalian, at gumawa ng mga seryosong krimen. Nilalaman nito ang mga detalye kung paano umano niya ginamit nang mali ang pondo ng gobyerno, inabuso ang kanyang kapangyarihan, at gumawa ng mga aksyon na maaaring makasira sa pamahalaan. Nilagdaan ang reklamo ng mahigit 1/3 ng mga Miyembro ng House of Represntatives ng ika-19 na Kongreso, na isang malaking hakbang upang masimulan ang paglilitis sa impeachment. Sa ibaba nakalahad ang mga nilalaman at mahahalagang punto ng reklamo:
1.Mga Paratang Laban kay Duterte
Binanggit sa reklamo ang pitong mabibigat na kaso laban kay VP Duterte. Isa sa mga paratang ay ang umano’y pagpaplano niya na ipapatay sina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., ang First Lady, at si Speaker Martin Romualdez. Sa isang live broadcast noong Nobyembre 23, 2024, sinasabing inamin ni Duterte na kumuha siya ng hitman at sinabi:
"Pag namatay ako, sinabi ko sa kanya, wag kang tumigil hanggang hindi mo mapatay sila. No joke, no joke."
(“If I die, I told him, don’t stop until you’ve killed them. No joke, no joke.”)
Matapos ang pahayag na ito, agad na pinalakas ng Presidential Security Command ang seguridad ng Pangulo at ng kanyang pamilya. Sinimulan rin ng National Bureau of Investigation ang imbestigasyon tungkol dito.
2. Umano’y Maling Paggamit ng Pondo ng Gobyerno
Ayon sa reklamo, ginamit umano ni VP Duterte ang mahigit ₱612 milyon sa confidential funds na ibinigay sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd), kung saan siya rin ay nagsilbing Kalihim. Ang mga pondong ito ay dapat na ginamit para sa pambansang seguridad ngunit iniuulat na napunta sa pekeng gastusin. Natuklasan ng mga imbestigador na ₱254 milyon mula sa OVP at ₱43 milyon mula sa DepEd ang napunta sa mga taong hindi naman nag-eexist, batay sa isinagawang beripikasyon ng Philippine Statistics Authority.
"Public money disappeared without a trace," ayon sa reklamo, na tumutukoy sa mga pekeng resibo at imposibleng transaksyon—tulad ng higit 100 bayarin na ginawa sa parehong araw sa iba’t ibang lokasyon.
3. Hindi Maipaliwanag na Kayamanan
Isa pang mabigat na paratang ay ang pagkakaroon umano ni Duterte ng hindi maipaliwanag na kayamanan. Ayon sa mga bank records, mayroong mga transaksyon na umabot sa mahigit ₱2 bilyon mula 2006 hanggang 2015—malayo sa kinikita niya bilang isang pampublikong opisyal. Sinasabi rin sa reklamo na hindi niya idineklara ang marami sa kanyang mga ari-arian at bank account sa kanyang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth, na isang paglabag sa mga patakaran para sa mga opisyal ng gobyerno.
4. Pagpapabagsak sa Gobyerno
Inaakusahan din si Duterte ng paghimok ng kaguluhan laban sa gobyerno. Ayon sa reklamo, nagbigay siya ng pampublikong pahayag na humihikayat sa militar na bumaligtad kay Pangulong Marcos Jr. Dagdag pa rito, ang kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay nagbitaw rin ng mga komento laban kay Marcos Jr., tinawag itong isang "drug addict" at sinabihan ang militar na huwag na itong suportahan.
Noong Pebrero 5, 2025, opisyal na ipinadala ng House of Representatives ang reklamo ng impeachment sa Senado. Personal na inabot ni HRep Secretary General Reginald Velasco ang reklamo kay Senate Secretary Renato Bantug. Ito ang opisyal na simula ng susunod na yugto—ang paglilitis ng impeachment sa Senado.
Ang Senado, sa pangunguna ni Senate President Francis "Chiz" Escudero, ang magsisilbing impeachment court. Kailangang makakuha ng boto mula sa 16 sa 24 na senador upang mahatulang nagkasala si Duterte at maalis sa puwesto.
Sinabi ng kampo ni Duterte na ang reklamo ay may bahid ng pulitika. Ayon sa kanyang tagapagsalita, Atty. Zuleika Lopez:
"This is just an attempt to destroy the Vice President’s reputation. We will fight these false accusations."
Bilang tugon, nagsampa ng kaso si VP Duterte sa Korte Suprema noong Pebrero 18, 2025, upang pigilan ang impeachment trial. Ayon sa kanyang mga abogado, nilabag ng Kamara ang mga patakaran sa pag-file ng sobra-sobrang reklamo ng impeachment sa loob ng isang taon, na hindi pinapayagan ng Konstitusyon.
Pinangalanan sa petisyon ang mga sumusunod na respondent:
-
Speaker Martin Romualdez (kumakatawan sa House of Representatives)
-
Senate President Francis "Chiz" Escudero (kumakatawan sa Senado)
-
House Secretary-General Reginald Velasco
"This impeachment is unfair and breaks the Constitution," ayon sa legal team ni Duterte.
Sa ngayon, hindi pa naglalabas ng desisyon ang Korte Suprema kung ipagpapatuloy o ihihinto ang impeachment trial.
Larawan mula sa Inquirer
