Pagsasabatas ng ETEEAP Act: Accessible College Degrees para sa Manggagawang Pilipino
Jaybee Co-Ang Ipinost noong 2025-03-06 09:05:53
Manila, Pilipinas – Marso 6, 2025 – Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP) Act, isang batas na nagbibigay ng mas accessible na paraan para makakuha ng college degree mga Pilipinong may mga experience sa kanilang trabaho o kasalukuyang disiplina.
Ang batas na ito, na pinagsamang Senate Bill No. 2568 at House Bill No. 9015 na inaprubahan noong Disyembre 2024 at naging ganap na batas noong Marso 3, 2025. Sa ilalim ng ETEEAP Act, mas madali na para sa mga propesyonal, out-of-school individuals, at lifelong learners na makakuha ng kanilang degree sa pamamagitan ng accreditation ng kanilang work experience at natutunang skills.
Ayon sa batas, gagawing mas inclusive ang edukasyon sa bansa at bigyan ng pagkakataon ang mga Pilipino na makapag-aral sa mas flexible na paraan. Ang mga Pilipinong na 23 taong gulang pataas na may limang taon ng work experience sa isang partikular na industriya ay maaaring mag-apply para sa academic equivalency assessment. Sa pamamagitan nito, maaari silang makakuha ng bachelor’s degree o second degree depende sa kanilang background at nais na kurso.
Ang Commission on Higher Education (CHED) ang mangunguna sa pagpapatupad ng ETEEAP. CHED din ang mag-aakredito ng mga Higher Education Institutions (HEI) na mag-aalok ng programa. Magtatakda ito ng mga pamantayan, magsasagawa ng monitoring, at magde-develop ng assessment tools para masigurong credible at may quality ang programa.
Kasama rin sa programa ang pakikipagtulungan ng CHED sa ibang ahensya ng gobyerno tulad ng Technical Education and Skills Development Authority, Department of Education, at Department of Labor and Employment upang matukoy ang mga in-demand na kurso at tiyakin ang koneksyon nito sa industriya.
Para sa mas mataas na kalidad ng programa, tanging ang mga kinilalang Centers of Excellence at Centers of Development ng CHED, pati na rin ang mga autonomous o deregulated institutions, ang papayagang magpatupad ng ETEEAP. Ang mga HEI na gumagamit ng Open Distance Learning at Transnational Higher Education ay kakailanganing magkaroon ng hiwalay na accreditation mula sa CHED.
Aatasan ang mga HEI na bumuo ng malinaw na guidelines, assessment procedures, at flexible learning modalities para sa ETEEAP students. Ang kanilang academic credits ay ibabatay sa competency portfolios, pagsusulit, at aktwal na pagpapakita ng skills.
Sa pamamagitan ng ETEEAP, kinikilala ng gobyerno ang kahalagahan ng lifelong learning at ang pangangailangan ng mga manggagawang Pilipino na ma-formalize ang kanilang expertise bilang academic qualification. Inaasahang mas mapapadali ang pagkuha ng trabaho ng mga Pilipino sa loob at labas ng bansa.
Bukod dito, maglalaan ang CHED ng mga financial assistance programs sa ilalim ng Republic Act No. 10931 (Universal Access to Quality Tertiary Education Act) para matiyak na hindi magiging hadlang ang kakulangan sa pera sa pag-aaral ng mga ETEEAP learners.
Inaasahang maglalabas ang CHED ng Implementing Rules and Regulations (IRR) sa loob ng 60 araw upang ganap na maipatupad ang batas. Bukod dito, magpapasa rin ito ng regular na ulat sa Kongreso at sa Pangulo tungkol sa progreso ng programa at ang epekto nito sa sektor ng edukasyon at labor market.
Sa pagsasabatas ng ETEEAP Act, isang mahalagang hakbang ang nagawa ng Pilipinas patungo sa mas inclusive at skills-based na edukasyon, na lumalapit sa reyalidad ng modernong workforce at nagbibigay ng mas maraming oportunidad sa mga Pilipino.
Larawan mula sa Pixabay
