Diskurso PH
Translate the website into your language:

Magsalita at Lumaban: Batas Laban Sexual Harassment

Jaybee Co-AngIpinost noong 2025-03-08 10:53:51 Magsalita at Lumaban: Batas Laban Sexual Harassment

Ang Republic Act No. 7877, o mas kilala bilang Anti-Sexual Harassment Act of 1995, ay isang mahalagang batas sa Pilipinas na naglalayong protektahan ang dignidad ng bawat tao sa pamamagitan ng pagbabawal sa sexual harassment sa trabaho, edukasyon, at training environments. Ipinasa ito ng Kongreso ng Pilipinas bilang patunay sa pangako ng gobyerno na igalang ang karapatang pantao at pigilan ang pang-aabuso sa kapangyarihan.

Ano ang Sexual Harassment?

Ayon sa batas, ang sexual harassment ay nangyayari kapag ang isang taong may kapangyarihan o nasa position—tulad ng employer, manager, supervisor, guro, o trainer—ay humihingi, nagrerequest, o nagre-require ng sexual favor mula sa isang indibidwal, kahit pa pumayag o hindi ang taong ginawan nito.

Sakop ng batas na ito ang dalawang pangunahing lugar:

✔️ Sexual Harassment sa Trabaho – Nangyayari ito kapag ang sexual favor ay nagiging kondisyon para sa pagtanggap sa trabaho, promosyon, o benepisyo. Maaari rin itong mangyari kapag ang pagtanggi sa sexual favor ay nagdudulot ng diskriminasyon o toxic na work environment.

✔️ Sexual Harassment sa Paaralan o Training – Nangyayari ito kapag ang isang estudyante, trainee, o apprentice ay ginagawan ng sexual advances ng isang taong may awtoridad, lalo na kung ito ay nakakaapekto sa kanilang grades, scholarship, allowance, o ibang benepisyo. Maaari rin itong magdulot ng nakakatakot o hindi komportableng learning environment.

Bukod dito, sinumang nag-udyok o nakipagsabwatan sa paggawa ng sexual harassment ay may pananagutan din sa ilalim ng batas.

Mga Responsibilidad ng Employer at Institusyon

Inaatasan ng batas ang mga employer, pinuno ng opisina, at paaralan na pigilan at solusyunan ang sexual harassment sa pamamagitan ng:

???? Pagbuo ng malinaw na patakaran at proseso para sa imbestigasyon at pagparusa sa mga lumalabag.
???? Pagtatatag ng isang committee on decorum and investigation na magtuturo sa mga empleyado, estudyante, at trainees tungkol sa tamang asal sa trabaho at paaralan, pati na rin ang paghawak ng mga reklamo sa harassment.
???? Pagpapakalat o pagpo-post ng kopya ng batas para magkaroon ng sapat na kaalaman ang lahat tungkol sa kanilang mga karapatan.

⚠️ Kung hindi agad kumilos ang isang employer o pinuno ng institusyon matapos ipaalam sa kanila ang isang kaso ng sexual harassment, maaari silang panagutin at pagbayarin sa danyos na dulot nito.

Mga Parusa at Ligal na Epekto

Maaaring magsampa ng hiwalay na kaso ang mga biktima ng sexual harassment upang humingi ng danyos. Ang batas ay may mga itinakdang parusa para sa mga lalabag, kabilang ang:

✅ Kulong mula 1 hanggang 6 na buwan
✅ Multa na mula ₱10,000 hanggang ₱20,000
✅ O pareho, depende sa desisyon ng korte

Dapat maisampa ang reklamo sa loob ng tatlong (3) taon mula sa petsa ng insidente.

Larawan mula sa Pixabay