Senator Gatchalian. Sinuri ang Pondo ng Attached Agencies ng DepEd
Jaybee Co-Ang Ipinost noong 2025-09-19 18:26:34
Nagpatuloy ang budget deliberations ng Senate Finance Subcommittee A noong Biyernes, September 19, 2025, na pinamunuan ni Senador Win Gatchalian, para sa panukalang 2026 budget ng mga attached agencies ng Department of Education (DepEd).
Tinalakay sa pagdinig ang proposed budget ng National Book Development Board (₱156.5 million), National Council for Children’s Television (₱72.5 million), Teacher Education Council (₱207 million), National Museum of the Philippines (₱840 million), Philippine High School for the Arts (₱160.7 million), at National Academy of Sports (₱251 million). Ang mga ahensiyang ito ay may mahalagang papel sa pagpapaunlad ng child development, media literacy, cultural appreciation, artistic excellence, at athletic training na bahagi ng mas malawak na layunin ng DepEd.
Sa deliberasyon, binigyang-pansin ni Senador Gatchalian ang kawalan ng capital outlay para sa National Museum of the Philippines sa 2026. Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), hindi ito naisama dahil hindi nakapagsumite ang National Museum ng Three-Year Rolling Infrastructure Program (TRIP), na pangunahing requirement para sa lahat ng ahensya na humihingi ng pondo para sa infrastructure projects.
Samantala, ipinunto ni Senadora Loren Legarda ang pangangailangan na masigurong alam ng lahat ng government agencies ang kahalagahan ng TRIP upang maiwasan ang pagkakabawas o pagkawala ng kanilang budget proposals sa mga susunod na taon.
Sa kabuuan, binigyang-diin sa pagdinig ang kahalagahan ng mas malinaw na proseso at mas maayos na koordinasyon sa pagitan ng DBM at implementing agencies upang matiyak ang sapat na suporta sa mga programang pang-edukasyon at pangkultura na makikinabang ang mga mag-aaral at mamamayan sa buong bansa.